Marso 2, 2025.
Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
MABUTING BALITA
Lucas 6, 39-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad nang patalinghaga: “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya’y magiging katulad ng kanyang guro.
“Ang tinitingnan mo’y ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayung hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo’y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
“Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahay sa pamamagitan ng kanyang bunga.
Sapagkat hindi nakapipitas ng igos sa puno ng aroma, at di rin nakapipitas ng ubas sa puno ng dawag. Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
Pagninilay:
“Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.” Sinasabi ng ebanghelyo na dapat tayong mag-ingat sa nilalaman ng ating puso at isip. Kung maraming ingay sa ating kalooban, paano tayo makakapagsuri? Subalit kung inaalala natin na lagi tayong nasa presensiya ng Diyos saan man tayo magpunta at anuman ang ating gawin, mababantayan natin ang ating sarili. Malalaman natin at magiging totoo tayo sa ating sarili kung ano ang ating nararamdaman at iniisip kung masama ito o mabuti at kung tama ba ito o mali. Sa darating na panahon ng Kuwaresma na magsisimula sa Miyerkules ng Abo sa ika-5 ng Marso, ito rin ang kailangan nating gawin at pagnilayan araw-araw hanggang Semana Santa. Panahon na upang magsuri ng sarili at ihanda ito upang makibahagi tayo sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
Unahin nating ayusin ang ating sarili at baguhin ang ating masasamang ugali paunti-unti sa tulong ng Diyos. Magagawa natin ito kung inaamin natin ito unang una sa sa ating sarili. Kung ganito ang ating gagawin, wala na tayong panahong maghusga ng iba sa dami ng kailangang ayusin sa ating sarili. Mahirap man ito ngunit ito ang sinasabi ni Hesus na ating gawin dahil ito ang ating daan upang mas maging malapit sa Kanya – ang maging mahina sa Kanyang harapan at mababa ang loob. Matapos ay babaguhin tayo ng Diyos sa paraang hindi natin inaasahan. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications