
Agosto 9, 2022. Martes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay Santa Teresa Benedicta dela Cruz, dalaga at martir.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel
Tuesday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Teresa Benedicta of the Cross, Virgin and Martyr (Red).
UNANG PAGBASA
Ezekiel 2, 8 – 3, 4
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang tutulad sa kanila na naghimagsik sa akin. Ngumanga ka. Kanin mo ito.” Nang ako’y tumingala, may nag-abot sa akin ng isang aklat na nakabalumbon. Iniladlad ito at nabasa ko sa magkabila ang mga panambitan, pagdadalamhati, at sumpa.
Sinabi pa sa akin, “‘Kanin mo ang aklat na ito. Pagkatapos, magpahayag ka sa sambahayan ni Israel.”
Ngumanga ako upang kanin ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kanin mo ito at magpakabusog ka.” Kinain ko nga ang aklat. Ang lasa ko’y parang pulot-pukyutan.
Sinabi niya sa akin, “Tao, pumunta ka sa sambayanang Israel at sabihin mo ang ipinasasabi ko sa iyo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 14. 24. 72. 103. 111. 131
O kay tamis na namnamin
ang utos mong bigay sa ‘min.
MABUTING BALITA
Mateo 18, 1-5. 10. 12-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos.
Ang sinumang tumanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.
Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung maligaw ang isa sa mga iyon? Hindi kaya niya iiwan ang siyamnapu’t siyam na nanginginain sa kaburulan upang hanapin ang naligaw? Sinasabi ko sa inyo: kapag nasumpungan niya ito, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw.
Gayun din naman, hindi kalooban ng inyong Amang nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ang ating Panginoon ay hindi nauubusan ng awa para sa ating lahat. Sa totoo ay hindi Niya binibilang at alintana ang ating mga mali. Bastat’t ang mahalaga sa Kanya ay ang tayo ay makabalik sa Kanya. Paano nga ba tayo makakabalik? Paano natin gugustuhing bumalik kung hindi natin alam na tayo pala ay nahiwalay na sa Kanya? Ang pagsusuri ng konsensiya ay isa sa pinakamahalagang bagay na dapat nating ginagawa. Ito ay ang pagtingin sa sarili kahit saglit lang o ilang minuto araw-araw bago matulog upang makita saan tayo nagkamali o kung may mga nasabi at nagawa tayong hindi dapat. Mga 5-15 minuto ay sapat na at matapos nito ay ihingi natin ng tawad sa Diyos anumang nakita natin sa ating konsensiya sa tulong na rin ng Diyos Espiritu Santo.
Doon konsensiya natin matatagpuan ang tama o mali na ating nagawa at nasabi, o kahit ang mga bagay na hindi natin ginawa, dahil doon nangungusap ang Diyos. Ang problema ay tila halos wala ang gumagawa sa atin nito at kung minsan ay sumasagi sa isip natin na baka may sala tayo, agad pa itong natatabunan ng tinatawag na “pride” at marahil ay nababaling na ang sisi sa iba. Ang isang bata na magiging dakila sa kaharian ng Diyos ay madaling umamin sa kanyang sala. Dahil dito, madali siyang magbago. Madali niyang gawin ang tama nang hindi iniintindi ang “pride” o ang sarili. Kung ganito sana tayo sa Diyos, kay rami nating mas mararating na magaganda at mabubuting desisyon.
Magiging bagong tao tayo laging muli at kahit pa magkamali, ay madali tayong makakabangon sapagkat ang tuon natin ay ang magbago lagi at ang gawin ang tama. Ito lang din ang mahalaga sa Diyos, nawa ito lang din ang maging mahalaga sa atin. Magagawa natin ito sa pakikinig sa Kanyang salita at sa pagsunod dito kahit ano pang balakid ang harapin.
Magpursigi nawa tayo sa pananalangin. Amen. +
Basahin ang buhay ng santo ngayong araw na ito, Santa Teresa Benedicta dela Cruz: https://www.franciscanmedia.org/…/saint-teresa…
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
 
         
                            
