Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagbibigay ng Lubos”

 

 

 

 

Hulyo 27, 2022. Miyerkules ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Wednesday of the Seventeenth Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Jeremias 15, 10. 16-21
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Napakahirap ng katayuan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa sangmaliwanag? Lagi akong may kaaway at katalo sa lupain. Hindi ako nagpautang, at hindi rin naman ako nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat.
“Nagsalita ka sa akin, at pinakinggan kitang mabuti. Ang mga salita mo’y aking kagalakan. Ako’y sa iyo, Panginoon, Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Hindi ko sinayang ang panahon sa pagpapasasa sa buhay, kasama ng ibang mga tao, ni hindi ako nakigalak sa kanila. Manapa, nanatili akong nag-iisa, sapagkat may ipinagagawa ka sa akin. Kaya nga, nagpupuyos sa galit ang kalooban ko. Bakit hindi na natapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumaling ang mga sugat ko?

Talaga bang wala nang lunas ito? Wala ba akong tatanggapin kundi kabiguan, gaya ng isang batis na natutuyo sa tag-araw?”
Ganito ang itinugon ng Panginoon, “Kung manunumbalik ka, tatanggapin kitang muli, at ika’y muli kong gagawing alipin. Kung magsasalita ka ng bagay na may kabuluhan, at iiwasang sambitin ang anumang kasumpa-sumpa, gagawin uli kitang propeta. Babaling na muli sa iyo ang mga tao, subalit huwag kang paroroon sa kanila. Sa harapan ng mga taong ito’y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso.

Makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi ka nila matatalo. Sasaiyo ako upang ika’y pangalagaan at ingatan. Ililigtas kita sa kamay ng masasama, at iingatan laban sa mararahas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 58, 2-3. 4-5a. 10-11. 17. 18
Ang D’yos ang aking takbuhan
sa araw ng kagipitan.

MABUTING BALITA
Mateo 13, 44-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng tuwa, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.

“Gayun din naman, ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Ang Panginoon ay hinahintulad ang kaharian ng Diyos sa isang mamahaling perlas. Wala itong katulad. Ito’y nag-iisa lamang. Ganito rin ang kayamanang nakabaon sa isang bukid. Ganoon na lamang ito kahalaga kaya kahit ibigay o ipagbili ang lahat para sa bukid na ito ay napakasaya niya. Ganito rin ang buhay na walang hanggan para sa atin. Kahit tayo’y magsakripisyo o maghirap dito sa lupa alang-alang sa Diyos, hindi tayo talo. Wala tayong lugi. Sapagkat anumang ating binibitawan para sa pagpili at paggawa ng mabuti ay higit pa sa matatanggap natin sa langit.

Doon ay mayroong ligayang walang hanggan. Doon ay hindi na natin kailangan ng kahit ano pa sapagkat punong puno na tayo at natupad na ang lahat ng ating inaasam – ito ay walang iba kung hindi ang Diyos. Siya ang tanging pumupuno at pupuno sa atin sa paraang totoong makukumpleto tayo.

Kaya hindi ba kayo nagtataka kung bakit kahit anong kain natin, nagugutom pa rin tayo at mamaya ay dapat pa rin ulit kumain? Kahit anong kayamanan ang mayroon tayo, nariyan ang katotohanang nauubos ito, nababawasan, nananakaw at iiwanan sa takdang oras. Tayo kasi ay nilikha ng Diyos para sa Kanya upang magmahal. Ang tunay nating ligaya at kayamanan ay Siya. Sa Kanya ang katuparan ng lahat ng ating hangarin sa buhay. Wala ito sa mundo kung saan ang lahat ay naglalaho at nagbabago dahil hindi ito ang ating permanenteng tahanan.

Mayroong mas higit pa rito, ang langit at ito ang dapat nating paghandaan sa pamamagitan ng pagkakagawanggawa at paglilingkod sa Diyos. Kahit pa bitawan natin ang lahat para sa Kanya, hindi tayo mawawalan sapagkat lagi Siyang magbibigay ng higit pa sa ating kailangan at hinihingi. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?