Nobyembre 24, 2023. Paggunita kay San Andres Dung Lac, pari at martir at mga Kasama, mga martir.
MABUTING BALITA
Lucas 19, 45-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda. Sinabi niya sa mga ito, “Nasusulat: ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyong ‘pugad ng mga magnanakaw.’”
Araw-araw, si Hesus ay nagtuturo sa loob ng templo. Pinagsikapan ng mga punong saserdote, ng mga eskriba, at ng mga pangunahin ng bayan ng siya’y ipapatay. Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito, sapagkat taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang paggunita kay San Andres Dung Lac at mga kasamang martir! Ang tungkol sa kanila ay mababasa matapos ng pagninilay na ito. Nagalit ang Panginoon dahil ang bahay ng Diyos ay ginawang puro kasalanan. Dito dapat magiging banal ang tao subalit nagkaroon ng pandaraya sa mga nagpapalit ng pera. Kaya ang mga ito ay Kanyang tinaob at pinalayas ang mga tao roon. Ito ang galit na walang halong pagkakasala. Galit na bunsod ng pagiging matuwid at ang kagustuhang ituwid ang iba. Sa lahat ng mga tagpo sa Ebanghelyo, ito lang ang isa sa mga kaunting pagkakataon na nagalit si Hesus at ito ay tungkol sa templo.
Ang templo ay sagrado at ito ay tahanan ng Diyos. Mahalaga ito sa Kanya. Ito kaya ay ginagalang natin ngayon? Paano tayo magpapakita ng paggalang? Unang una, kailangang nating manahimik at magdasal. Walang cellphone o daldalan sa loob. Si Hesus ay narooon katawan at dugo. Iyon ay bahay ng Diyos. Hindi iyon lugar para makipagkwentuhan at mag-Facebook o kung ano pa.
Gaya ng sabi ni Hesus, iyon ay bahay-dalanginan. Kahit pa hindi tayo gumawa ng ingay sa paggamit ng cellphone, hindi pa rin natin nabibigyang galang ang Diyos na naroroon na gusto tayong makausap. Lahat ng iyan ay maaring gawin sa bahay at salabas. Pati ba naman sa bahay ng Diyos, Facebook at social media pa rin ang aatupagin natin?
Sa katahimikan ng puso natin makakausap natin ng Diyos, oo. Subalit sa iisang lugar lamang Siya naroroon katawan at dugo, ang lugar na iyon ay sa Simbahan. Bigyan natin Siya ng respeto at paggalang na dapat ay para sa Diyos na naglalang sa atin. Magkaroon tayo ng takot at hiya sa Kanya. Buksan natin ang mata ng ating puso upang makita natin gaano natin kakailangang manalangin at magpatirapa sa Kanyang harapan para sa ating mga kasalanan at sa kasalanan ng mundo. Pagbibigay din ito ng galang sa mga taong nanananalangin sa Kanya.
Huwag nating nakawin ang mga sandaling para sa Diyos. Ibigay natin ang papuri, respeto at pagpupugay na karapatdapat sa Kanya. Ito ay makabubuti rin sa atin.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen.
Tungkol kay San Andres Dung Lac: https://www.ourparishpriest.com/2023/11/saints-of-november-san-andres-dung-lac-at-mga-kasama-mga-martir-ng-vietnam/
Patuloy po nating ipanalangin ang mga kaluluwa sa purgatoryo ngayong buwan ng Nobyembre:
V. Kapayapaan kailan man ang igawad ng Maykapal sa yumaong ating mahal.
R. Sila nawa ay silayan ng ilaw na walang hanggan.
Mapanatag nawa sila sa kapayapaan. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

