
Agosto 26, 2022. Biyernes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Friday of the Twenty-first Week in Ordinary Time (Green).
UNANG PAGBASA
1 Corinto 1, 17-25
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol
San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, sapagkat sinugo ako ni Kristo, hindi upang magbinyag kundi upang mangaral ng Mabuting Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananalitang batay sa karunungan ng sanlibutan upang sa gayo’y hindi mawalan ng kabuluhan ang kamatayan ni Kristo sa krus.
Sa mga napapahamak ang aral tungkol sa pagkamatay ni Kristo sa krus ay kahangalan; ngunit sa atin na mga inililigtas, ito’y kapangyarihan ng Diyos.
Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at pawawalang-kabuluhan ang katalinuhan ng matatalino.” Ano ang kabuluhan ngayon ng marurunong, ng mga eskriba, ng mahuhusay na dibatista sa daigdig na ito? Ipinakilala ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan.
Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya itinulot na siya’y makilala ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng sanlibutang ito. Sa halip, minarapat niyang ang mga nananalig sa kanya’y iligtas sa pamamagitan ng Mabuting Balita na aming ipinangangaral ngunit ipinalalagay naman ng sanlibutan na isang kahangalan. Ang mga Judio’y humihingi ng kababalaghan bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. Ngunit ang ipinangangaral nami’y si Kristong ipinako sa krus – isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Hentil.
Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griego, si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit kaysa lahat ng karunungan ng tao, at ang inaakala namang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit sa lahat ng kalakasan ng tao.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 10ab-11
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
MABUTING BALITA
Mateo 25, 1-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis.
Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog.
Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan.
Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e!’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’ Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto.
Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Kapag sa eskwela, ang iniisip lamang natin ay ang makapasa, mas malaki ang tsansang bumagsak sapagkat hindi ka na susubok pang maglaan ng oras at lakas para ayusin at galingan ang iyong pag-aaral. Ganito rin sa ating buhay pananampalataya. Kapag ang iniisip lamang natin ay “bahala na” o kaya “saka na iyan”, mas malaki ang tsansa na sa huli, tayo ay magsisi sapagkat hindi natin nagawa ang ating dapat gawin at nawalan na tayo ng oras para gawin ang nararapat kung inaksaya natin ang mga panahong dapat sana ay para sa Panginoon.
Kaya nga ganito rin ang nangyari sa mga tagpo sa Ebanghelyo. Nagkulang ang mga langis ng limang dalaga. Ang lima naman ay mga matatalino at nakapaghanda sila. Paano nga ba tayo maghahanda sa ating pagkamatay? Paano tayo makakapaghanda sa paghuhusga ng Diyos sa dulo man ng ating buhay at sa wakas ng panahon? Gawin natin ang dapat nating gawin ngayon – magsimula tayo sa pagiging tapat natin sa maliliit na bagay at responsibilidad sa ating bahay, komunidad, trabaho, negosyo, eskwela at kung saan pa.
Kasama rin dito ang ating obligasyon sa Diyos, sa Simbahan simula sa pagsisimba linggo linggo bilang isang Katoliko at pangungumpisal isang beses man lamang sa isang taon o higit pa. Ang mas madalas na pagpunta sa kumpisal ay mas mainam sapagkat araw-araw nga ay nagkakasala tayo. Matutulungan tayo nito na mapabuti ang ating kaluluwa at mapalakas ang ating puso laban sa masama at tukso.
Marami tayong maaring gawin. Ano ang sinasabi ng Diyos sa iyo ngayon? Anu-ano ang mga bagay na sinasabi Niya subalit tinatanggihan mo o ipinagsasawalang bahala? Panahon na ngayon upang makinig sa Diyos at manalangin nang taimtim upang tayo’y walang pagsisihan sa bandang huli. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

