Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagiging Mag-asawa”

 

 

 

Hunyo 10, 2022. Biyernes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

Friday of the Tenth Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 9a. 11-16
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, si Elias ay sumapit sa Horeb na bundok ng Diyos. Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano’y nagsalita sa kanya ang Panginoon: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito’y dumaan ang Panginoon at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin ang Panginoon. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol ang Panginoon. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat ang Panginoon.

Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.
Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng yungib. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi: “Elias, bakit ka naririto?”

Sumagot siya: “Dahil po sa aking malaking pagmamalasakit para sa inyo, Panginoon, Diyos ng mga hukbo. Tinalikdan ng bayang Israel ang inyong tipan, winasak ang inyong mga dambana, pinagpapatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at hinahanap nila ako upang patayin.”

Sinabi sa kanya ng Panginoon: “Bumalik ka sa iyong dinaanan, sa ilang na patungong Damasco. Pagdating mo ng lungsod, pahiran mo ng langis si Jazael, bilang hari ng Siria, at si Jehu na anak ni Namsi bilang hari ng Israel. Pahiran mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola, bilang propetang hahalili sa iyo.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 7-8a. 8b-9abk. 13-14
Sa ganda mo’t kabutihan,
kami’y iyong liwanagan.

MABUTING BALITA
Mateo 5, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon!

Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.

“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Sa ating panahon ngayon na kahit saan ay mayroon nang mga babaeng halos wala nang saplot sa katawan, at kahit pati mga lalaki, tila ba normal na lamang nang tumingin at ikatuwa ang mga ganitong bagay. Subalit ang Ebanghelyo ay isang paalaala para sa atin ngayon. Para dito nga ba ang mga katawan ng tao? Para nga ba ito, i-“display”, damitan at ibilad sa lahat ng paraang gustuhin natin? Ayos nga lang ba talaga na ang mga ito ay gamitin upang maging sikat? Ang ating katawan ay templo ng Diyos. Sa atin nananahan ang Diyos.

Bawat isa sa atin ay bahagi ng katawan ni Hesus at hindi natin maaring gawin ang anumang naisin sa ating mga sarili. Ang ating pagkatao at ang ating katawan ay sagrado. Sa huli ng ating buhay, mayroon tayong paghuhusga na kailangang pagdaanan. Paano natin minahal ang Diyos at kapwa? Pinahalagahan ba natin ang Kanyang mga salita at utos at ginawa? O ginawa lamang natin ang sariling nainis at inibig na lamang ang sarili? Ito ang mga bagay na kailangan nating sagutin bandang huli. Ito ang magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan.

Malungkot pero ganito ang sinasabi ng mundo ngayon na masaya maging makasarili. Masaya magkaroon ng mga materyal na bagay at dito lamang dapat umiikot ang ating mundo. Masaya rind aw ang kasikatan at maging “in” sa mundo kahit pa ang kapalit ay ang pagsusuot ng kung anong mga damit na uso na hindi kaayaaya sa Panginoon. Sa Ebanghelyo natin ay sinabi ni Hesus, “ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon.”

Ibig sabihin ay maari nang magkasala ang tao sa tingin pa lamang. Dahil mula sa tingin na ito ay may masamang intensyon. Hindi dapat ginagamit ang katawan ng tao para sa ikatutuwa lamang ng sarili dahil ito’y sagrado. Kahit sa tingin, tila ginagamit ang ibang tao, ang katawan at pagkatao nila sapagkat ang intensyon, puno at dulo ay para sa isisiya ng sarili. Kung mayroon mang matuwa dapat sa pagtingin sa isang tao, iyon ay ang kanyang asawa. Para sa asawa lamang ang pagpapaganda at pag-aayos ng sarili upang maging kaaya-aya siya para sa kabiyak. Hindi ito kailangang ipangalandakan sa lahat.

Kung ang isang tao na ito ay nananamit at ginagayakan ang sarili para akitin ang marami, ano kaya ang nagiging epekto nito sa karamihan? Bakit niya ito kailangang gawin at para saan? Sa intensyon pa lamang malalaman na nating ito’y hindi galing sa Diyos. Ang alinmang bagay na galing sa Diyos ay hindi ilalagay sa kasalanan o posisyong magkakasala ang isang tao. Ito’y mabuti simula sa umpisa, sa pagpapatuloy at sa kahuli-hulihan.

Kaya nga hindi ganda o kagwapuhan ang sukatan sa kasal. Hindi rin pera o ano pa mang materyal at makamundong bagay. Kung hindi natin malalapagpasan ang ganitong pagsubok na sa pagtingin pa lamang sa iba ay tila libreng libre na at hindi na natin alam na iyon ay pagkakasala na pala, paano pa magiging tapat ang isang tao sa mahabang panahon? Kung sa maliliit na bagay na ito ay hindi na magawa ng mga tao at hindi na natin alam na mali na pala, paano pa ang ibang mga bagay? Kaya ang kailangan natin sa mundo na ito ay hindi diborsyo na isa na lamang pantapal sa mga pagkakamali ngunit hindi naman nito napipigilan ang pagkakamali.

Makakapagpalala pa ito sa sakramento ng kasal at Simbahang lubos nang nagdurusa ngayon. Ang kailangan natin ay ang Salita ng Diyos. Kapag nakalimutan na natin ito, kapag ang sarili na lamang ang ating sinusunod nang hindi sumasangguni sa Diyos, ito ang ikinakasira ng lipunan. Ang pagsira ng lipunan ay nagsisimula sa pamilya. Ang pagsira ng pamilya ay nagsisimula sa mag-asawa. Kaya ipanalangin natin ngayon ang lahat ng pamilya at mag-asawa. Amen.

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?