
Hulyo 10, 2022. Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon.
(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo. Basahin po natin ang pagninilay na nasa dulo ng post na ito.)
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Fifteenth Week in Ordinary Time (Green).
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 30, 10-14
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa bayan: “Kailangan ninyong dinggin ang tinig ng inyong Panginoong Diyos at buong puso’t kaluluwang sundin ang kanyang mga utos.
“Ang Kautusang ibinibigay ko ngayon sa inyo ay madaling sundin at unawain. Ito’y wala sa langit, kaya hindi ninyo masasabing walang aakyat doon at kukuha sa Kautusan upang marinig ninyo at maisakatuparan. Ni wala ito sa ibayong dagat kaya di ninyo masasabing walang tatawid sa dagat para kunin ang Kautusan at nang marinig ninyo at maisagawa. Ang Kautusan ay di malayo sa inyo: nasa inyong bibig, nasa inyong puso, kaya magagawa ninyo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 14 at 17. 30-31. 33-34. 36ab at 37
Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.
IKALAWANG PAGBASA
Colosas 1, 15-20
Pagbasa mula sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Si Kristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya’y una sa lahat, at sa kanya nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay. Siya ang ulo ng Simbahan na kanyang katawan. Siya ang Una, ang panganay na Anak — ang unang nabuhay na muli upang siya ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay.
Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak, at inibig niyang ang sandaigdigan ay makipagsundo sa kanya sa pamamagitan ng Anak. Sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Lucas 10, 25-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”
Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad.
Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’
Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Paano nga ba magmahal? Madalas ang pag-ibig ay ating inihahalintulad sa pakiramdam. Kapag masaya, kapag tila kinikilig, kapag maayos ang lahat, iyon daw ay pag-ibig. Subalit nakakaligtaan natin na ang pag-ibig ay isang desisyon. Sa mga parte ng ating buhay na madilim, mahirap at tila tayo’y nasusubok, maaring naroroon pa rin ang pag-ibig kung pipiliin nating manatili. Ganoon din ang Diyos sa atin.
Bagamat tayo’y mga mahihina at makasalanan, hindi Niya ito alintana basta’t gusto nating bumalik sa Kanya, mangumpisal at gumawa ng mabuti sa susunod. Hindi ikinalulugod ng Diyos sa tuwing tayo’y nagkakasala subalit naroroon ang desisyon at katapatan ng Diyos na hindi nagbabago upang tayo’y mahalin. Tayo kaya, sa ating kapwa, paano tayo magmahal?
Dahil sa mundo ay tila abot kaya na ang lahat ng ating mga gusto o ang anumang ikinaaliw natin, baka nakalilimutan na natin ang kapwa natin na naghihirap. Ang kapwa ay ang mga hindi natin kakilala, kaanak, mga taong tinatatwa ng lipunan at walang tumutulong. Ito ang mga kapwa natin.
Paano natin sila tratuhin? Nakikita pa ba natin si Hesus sa kanila, sapat upang lumabas tayo sa pagkamakasarili makapagbigay man lamang ng kaunti sa kanila? Ano ang nararamdaman at desisyon natin sa tuwing may nanghihingi sa atin? Paano tayo tumutugon sa kanila? Sinabi ni Hesus na ano man ang ating gawin sa kapwa ay ginagawa rin natin sa Kanya. Ang mga mabubuting gawa na ito ang magdadala sa atin sa langit hindi ang mga materyal na bagay o makamundong parangal.
Hindi naman mahal o magarbo agad ang kailangan ng mga taong mahihirap at kapos. Kailangan nila anumang kaya natin. Kahit kaunti sa iyong mata ay malaki sa Diyos kung ito’y may pag-ibig at galing sa pusong nagmamalasakit. Nawa’y makaalpas tayo sa mentalidad ng materyalismo sa mundo at ng makita natin ang tunay na yaman ng mga taong lubos na nagmamahal at sumusunod sa Diyos.
Anumang ibigay natin at mawala sa atin sa Kanyang Ngalan ay higit pa sa lahat ng mundo ang ibabalik na gantimpala ng Diyo. Hindi man lahat dito ay makukuha ang gantimpala kung hindi sa langit – ang ating tunay na tirahan na dapat nating paghandaan. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

