Marso 29, 2025. Sabado sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.
MABUTING BALITA
Lucas 18, 9-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus ang talinghagang ito sa mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba. “May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa’y Pariseo at ang isa nama’y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.’ Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito’y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Mahalaga ang pagpapakababa upang tayo ay maging malapit sa Diyos at tunay na maging mabuting tao. Maraming tao ang may kakayanang gumawa ng mabuti ngunit iba ang intensiyon. Maaring pakitaan ng magandang gawain ang isang tao ngunit ang hangarin naman pala niya ay sumikat. Ang mga ito ang hindi maituturing na tunay na mabuti dahil kahit mukhang maganda sa panlabas, ang tunay na nasa loob ay puro pansarili. Kaya nga kung tayo man ay gumagawa ng mabuti. Ito ay dahil sa tinutulungan tayo ng Diyos. Siya ang nagiging mabuti sa loob natin na kumikilos upang matulungan ang iba at maramdaman nila ang pagmamahal ng Diyos. Kung susuriin natin nang maigi ang ating sarili, makikita natin ang ating mga kahinaan at kakulangan kaya alam nating kailangan natin ng tulong ng Diyos. Kung gayon, ang Diyos ang magiging ating lakas. Hindi tayo mabibigo dahil hindi tayo nagmalaki at hindi natin iniisip na kaya natin. Sa pag-amin ng ating kahinaan, dito tayo magiging tunay na malakas dahil ang Diyos ang mag-aangat sa atin. Amen. +
Paniwalaan at pagnilayan nawa natin ito. Amen. +
Pagpalain nawa tayo ng Diyos at ipagsanggalang sa mga masasama. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications