
Marso 21, 2024. Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.
MABUTING BALITA
Juan 8, 51-59
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Tandaan niyo: ang namumuhay ayon sa aking aral, kailanma’y di makararanas ng kamatayan.” Sinabi ng mga Judio, “Ngayo’y natitiyak naming inaalihan ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay kahit kailan ang sinumang namumuhay ayon sa iyong aral.
Dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham? Siya’y namatay, gayun din ang mga propeta. Ano ba ang akala mo sa sarili mo?” Sumagot si Hesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, iya’y walang kabuluhan. Ang aking Ama ang nagpaparangal sa akin at sinasabi ninyong siya ang inyong Diyos. Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit siya’y nakikilala ko. Kung sabihin kong hindi ko siya nakikilala, ako’y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit nakikilala ko siya at ginagawa ko ang kanyang sinasabi.
Natuwa ang inyong amang si Abraham nang mabatid na makikita niya ang araw ng pagparito ko; nakita nga niya ito at siya’y nagalak.” Dahil dito’y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: bago ipinanganak si Abraham, ‘Ako’y Ako Na.’.” Dumampot sila ng bato upang siya’y batuhin, ngunit nagtago si Hesus at lumabas ng templo
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Isang linggo na lang at papasok na tayo sa tatlong banal na araw mula sa Huwebes Santo hanggang Sabado sa Easter Vigil. Bago ang mga iyon, handa na ba tayong makiisa muli sa mga paghihirap ni Hesus? Handa na ba tayong samahan Siya hanggang kamatayan? Hindi dahil namamatay ulit si Hesus kada Biyernes Santo gaya ng sabi ng mga ilang sekta. Hindi po iyon totoo. Ito ay dahil itinalaga ang mga araw na ito upang lalong pahalagahan higit pa kaysa sa lahat ng araw ang pinakadakilang sakripisyong ginawa ni Hesus na nagligtas sa atin.
Ang mga kaarawan at anibersayo ng pagpapakasal nga kada taon ay sinasariwa at ipinagbubunyi. Hindi naman ibig sabihin noon na ipinapanganak muli ang taong nagdiriwang ng kaarawan. Hindi ibig sabihin na kinakasal muli ang mga taong kasal na. Pagsasariwa at pagdiriwang lamang ang mga iyon ng naganap na.
Ang kamatayan ay hindi lang pisikal kundi espirituwal. Kailangang mamatay tayo sa ating mga kasalanan at pagkamakasarili. Kailangang mamatay tayo sa mga masasamang pita ng laman upang muling mabuhay kasama ni Hesus at ang lalabas sa atin ay ang bagong tao kung saan mas nakikita ang mukha ng Diyos sa atin. Si Hesus ang nakakakilala sa Ama. Sa Kanya tayo galing at Siya ang Tagapaglikha. Sa Kanya rin tayo babalik. Saan o sino pa ang daan kundi si Hesus? Ang mga sakramento na tinatanggap natin upang tayo’y maging banal ay ang ating daan sa Langit.
Si Hesus sa Banal na Misa ay ang ating espritiwual na pagkain. Ang pagkukumpisal ay ang pagligo ng ating kaluluwa upang malinis ito ni Hesus sa kasalanan. Panahon na upang pahalagahan ang mga ito ng tunay sa ating buhay hindi lang tuwing may okasyon. Ang lahat ng ito’y mula sa sakripisyo ni Hesus. Mahalaga kaya sila sa atin o tuwing Mahal na Araw lang? Kung tunay na mahalaga ang sakripisyo ni Hesus magsimula tayong magsimba kada Linggo, makinig at magnilay tayo sa salita Niya. Hayaan nating baguhin ng Salita ng Diyos ang ating buhay dahil sa ating pakikinig, pagninilay at pagsunod dito sa tulong din ng Diyos.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
6Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
        
                        
                            
