Setyembre 13, 2022. Paggunita kay San Juan Crisostomo,
obispo at pantas ng Simbahan.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Memorial of St. John Chrysostom
UNANG PAGBASA
1 Corinto 12, 12-14. 27-31a
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng isang bahagi lamang.
Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Kristo at bawat isa’y bahagi nito.
Naglagay ang Diyos sa Simbahan, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga magpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga magsasalita sa iba’t ibang wika. Hindi lahat ay apostol, propeta, o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba’t ibang wika o magpaliwanag nito. Kaya’t buong taimtim ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.
MABUTING BALITA
Lucas 7, 11-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong niya ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. Marami ang nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang makita ang ina ng namatay, at sinabi sa kanya, “Huwag kang tumangis.” Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito.
Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” Naupo ito at nagsalita; at siya’y ibinigay ni Hesus sa kanyang ina. Sinidlan ng takot ang lahat at sila’y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Nilingap ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Paggunita po kay San Juan Crisostomo! Ang tungkol sa kanyang buhay po ay matatagpuan sa link pagkatapos ng pagninilay na ito. Lubos na nahabag si Hesus at binuhay Niya ang patay. Sa kultura ng mga Hudyo, ang mga balo ang pinakakawawa at umaasa lamang sila sa anak na lalaki kung mayroon upang mabuhay. Pati ito ay nawala na rin sa kanya. Hindi kaya’t alam ni Hesus at nakikita Niya na kagaya ito ng sasapitin ng Mahal na Birheng Maria balang araw? Malapit ang paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati o “Our Lady of Sorrows”. Ito nga ay malapit nang mangyari sa ika-15 ng Setyembre na bukas makawala na.
Subalit sa mga pagkakataong iyon na sinapit ni Maria ay hindi na maibabalik si Hesus kay Maria hanggang sa Muling Pagkabuhay at sa kanilang muling pagkikita sa langit. Ang buhay ay puno ng pagsalubong at pagpapaalam. Dapat tayo ay maging handa para sa kamatayan anumang oras sapagkat hindi natin alam kung hanggang kailan tayo dito sa mundo. Dapat tayong magpatawad na, makipagkasundo sa dapat, at balikan ang bagay na pinagsisisihan. Ugaliin nating magkumpisal lagi at mahaling mabuti ang Diyos, ang kapwa at ang pamilya habang tayo’y nabubuhay pa.
Kagaya ng patay na muling binuhay ng Diyos, magagawan Niya ng paraan anumang bahagi ng ating buhay na tila patay na. Gamitin natin anumang bigay sa atin ng Diyos na mga talento, abilidad at talino. Higit pa sa lahat ng ito ay ang pananalangin nang taimtim o bukal sa puso. Dito natin matatagpuan ang buhay na nilaan para sa atin ng Diyos – kapag nagagamit natin ang mga binigay Niya para sa atin upang Siya’y papurihan. Ang gawa ay samahan ng dasal.
Ang dasal ay samahan natin ng gawa. Maniwala tayong kayang gawin ng Diyos ang lahat at buong kababaang-loob tayong humingi lagi ng habag sa Kanya. Ito’y hindi nauubos para sa mga taong sinsero, pursigido at gustong magbago. Amen. +
Buhay ni San Juan Crisostomo: https://www.facebook.com/…/ang…/382451479067013/
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications