
Disyembre 28, 2023. Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, Mga Martir.
MABUTING BALITA
Mateo 2, 13-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Pagkaalis ng mga Pantas, napakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi sa kanya, “Magbangon ka, dalhin mo agad sa Egipto ang mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang patayin.” Kaya dali-daling bumangon si Jose at nang gabing iyo’y dinala sa Egipto ang mag-ina. Doon sila tumira hanggang sa mamatay si Herodes.
Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko ang aking Anak mula sa Egipto.”
Galit na galit si Herodes nang malamang siya’y napaglalangan ng mga Pantas. Kaya’t ipinapatay niya ang mga batang lalaki sa Betlehem at mga palibot na pook – lahat ng may gulang na dalawang taon pababa, alinsunod sa panahon ng paglitaw ng tala na natiyak niya sa mga Pantas.
Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:
“Narinig sa Rama ang malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
Hindi siya maaliw sa tindi ng kalungkutan dahil sa pagkamatay nila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan po ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan! Sa wikang Ingles, sila po ay tinatawag na “Holy Innocents”. Pinapatay ni Herodes ang mga batang lalaki na may dalawang taong gulang pababa dahil takot siyang maagaw sa kanya ang pwesto bilang hari. Subalit hindi naman naparito si Hesus upang maging hari sa ganoong paraan. Nagkatawang-Tao Siya upang magligtas at maghari sa ating buhay at puso. Isang bagay na hindi kailanman mauunawaan ng mga taong makamundo.
Isang tanda ng paghahari ng Diyos sa buhay at puso ng tao ay kapag ang kaligayahan niya’y hindi na nakadepende sa materyal na bagay o anumang kamunduhan. Bukod dito, ang kapayapaan niya’y nagtatagal at nananatili kahit may pagsubok na dinaranas. Hindi ito nakadepende sa kung maayos ang lahat. Kahit hindi, may tiwala at pag-asa siya sa pusong mula sa Diyos at ito ang nagiging isa sa mga dahilan ng kanyang pagkapayapa – ang presensiya ng Diyos.
Ang mga sanggol ay namatay bilang mga martir. Nabuhay si Hesus dahil sa pagsunod ni Jose at natupad ang Kanyang misyong magligtas ng sangkatauhan. Ang pagsunod natin sa Diyos ay magbubunga rin ng kaligtasan. Ang pagsuway natin ay mahahantong sa kamatayan. Tingnan natin ang mga utos at turo ng Simbahan, aralin natin iyon at sundin. Doon tayo magsimula sa pagbabagong buhay.
Hindi man tayong lahat ay makapagbuwis ng buhay para sa Simbahan, araw-araw, may magagawa tayong mabuti upang makasunod sa Diyos. Kailangan lamang ng ating sakripisyo at determinasyon upang makamtan ang langit. Hindi ito mapapasakamay ng mga taong tinatamad at walang hangaring lumago sa pananalig, mag-aral ng utos at gawin ito.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, Mga Martir, ipanalangin po ninyo kami.
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

