Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagsisisi sa Kasalanan”

 

Hulyo 12, 2022. Martes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Tuesday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Isaias 7, 1-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nang kapanahunan ni Acaz, na anak ni Jotam at apo naman ni Uzias na hari ng Juda, ang Jerusalem ay sinalakay ni Rezin, hari ng Siria, at ni Peka, anak ni Remalias, hari ng Israel. Ngunit hindi sila nagtagumpay. Nakaabot sa sambahayan ni David ang balitang nagkasundo na ang Siria at ang Israel. Kaya’t ang hari, gayun din ang buong bayan, ay nanginig sa takot na animo’y mga punongkahoy na inuugoy ng hangin.

Sinabi ng Panginoon kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Jasub at salubungin ninyo si Acaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa Tipunan ng Tubig sa Itaas, sa daang patungo sa Bilaran ng Damit.

Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot. Huwag masisira ang loob mo dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ng anak ni Remalias; ang dalawang iyan ay parang dalawang kahoy na umuusok ngunit di nagdidingas.’

Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:
‘Lusubin natin ang Juda,
pasukuin natin at sakupin,
papaghariin natin doon ang anak ni Tabeel.’

Akong Panginoon ang nagsasabing hindi na ito mauulit.
Pagkat ang Siria’y mahina pa sa Damasco na punong-lungsod niya
at ang Damasco’y mas mahina kay Haring Rezin.

Ang Israel naman, mawawasak sa loob ng animnapu’t limang araw.
Malakas pa sa Israel ang Samaria na kanyang punong-lungsod,
at ang Samaria ay hindi lalakas kaysa kay Haring Peka.
Ikaw ay mapapahamak pag hindi nanatili ang iyong pananalig sa Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 5-6. 7-8
Ang D’yos ang s’yang nagtatanod
sa kanyang banal na lungsod.

MABUTING BALITA
Mateo 11, 20-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinumbatan ni Hesus ang mga bayang ginawan niya ng maraming kababalaghan sapagkat hindi sila nagsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan. “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa sa inyo, malaon na sanang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo ang mga tagaroon upang ipakilalang sila’y nagsisisi.

Ngunit sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang sasapitin ninyo kaysa sasapitin ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum, ibig mong mataas hanggang sa langit? Ibabagsak ka sa Hades! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, sana’y nanatili pa ito hanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa inyo kaysa dinanas ng Sodoma.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ang Ebanghelyo ngayong araw ay tungkol sa babala ni Hesus. Kung sinasabi man Niya ito, ito ay dahil sa gusto Niya na magsisi at magkaroon pa ng tsansa ang mga bayang ito upang tumalikod sa kanilang kasalanan. Kapag ang kasalanan ay ating hinayaan, ang kasunod nito ay ang pagdumi ng konsensiya hanggang sa mahirapan na tayong makita ang tama o mali. Malamang ay ganito ang nangyari sa mga bayang ito. Natuwa silang tumanggap mula sa Diyos ng himala at nasiyahan subalit hindi sila tuluyang nagbago at naniwala kay Hesus.

Nagbalik sila sa mga dating gawain. Ang ating tunay na pagdarasal at pananampalataya ay dapat akayin tayo sa pagbabago. Ang pagbabago ng buong pagkatao ay magsisimula rin sa pagkilala at pag-amin ng mali natin. Ang problema ay kung hindi natin nakikita ang mali natin at kung nasanay na tayong hindi makinig sa konsensiya, minsan kailangan pa natin ng isang mapait na karanasan upang magturo sa atin ng tama o mali na nakaligtaan na natin.

Minsan kailangan natin ng taong magagalit sa atin at pagsasabihan tayo bago natin makita ang totoo. Gaya ng isang magulang na pinagsasabihan ang anak, hindi Niya gusto ang kapahamakan kung hindi ang mapabuti siya. Ang pagmamahal ay ibig sabihin ay sasabihin natin kung ano ang tama at mali kahit pa alam nating maari silang masaktan. Ito’y dahil alam nating ito’y makabubuti para sa kanila. Ganito tayo dapat sa iba kung gusto nating sila’y mapabuti at magbago. Ganito rin ang Diyos sa atin at matapos nito’y tutulungan pa Niya tayo sa pagbabagong ito na hinding hindi natin kailanman makakaya mag-isa sapagkat tayo’y mahihina. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?