Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagsubok sa Buhay”

 

 

 

Hunyo 15, 2022. Miyerkules ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

Wednesday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Hari 2, 1. 6-14
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ng Panginoon. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal.
Pagdating nila sa Jerico, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito pagkat pinatutuloy ako ng Panginoon sa Jordan.”
Ngunit sinabi niya, “Naririnig ako ng Panginoon. Hanggang buhay ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng pangkat ng mga propeta at pinanood sa di kalayuan nang sila’y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig ay sila’y tumawid.

Pagkatawid nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”
Sumagot si Eliseo, “Ipinakikiusap kong ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”
Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, pag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano’y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy.

Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.
Ito’y kitang-kita ni Eliseo, kaya’t napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Lakas at pag-asa ng Israel!” At nawala sa paningin niya si Elias.

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at nagbalik sa gilid ng Ilog Jordan. Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan ang Panginoon, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya’y tumawid.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 20, 21. 24
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.

MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panukalang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang makaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim, ang gaganti sa iyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Ang Panginoon ay nangaral ukol sa mga gantimpala. Magkaibang magkaiba ang gantimpala sa mundo kaysa sa langit. Ano kaya ang ating pipiliin? Ang isa ay makukuha natin dito agad-agad. Iyon ay ang papuri ng tao na gustong gusto natin. Kapag gusto nating parangalan tayo, yung tayo ang pinupuri at umaangat, ito’y gantimpala na para sa anumang mabuting gawa natin. Subalit kung hindi natin gugustuhin ang mga ito kahit pa ibigay ng iba sa atin, ang gantimpala natin ay nasa langit.

Gusto ng Panginoon na ang mga gawa natin para sa Kanya dito sa lupa ay mayroong sinsero at purong intensyon. Ang tunay na nagsisilbi sa Diyos ay hindi ginagawa ang paglilingkod na iyon para sa sarili – para may mapatunayan, para siya’y masiyahan o para siya’y mapapurihan ng ibang tao. Bagamat may halong ganito ang ating intensyon sa umpisa, dapat itong matanggal unti-unti at mangyayari ito kung tayo’y makararanas ng paghihirap sa ating pagsisilbi.

Kung tayo’y nakakatanggap na ng kabaliktaran ng papuri na ginugusto natin – pangungutya, pang-aalimura, pang-iinsulto, anong gagawin natin? Maglilingkod pa ba tayo? Magtutuloy pa ba tayo o maapektuhan na tayo, magagalit, tila hati na ang puso hanggang sa ayaw na nating maglingkod?
Sa mga ganitong paraan tayo mas ginagawang dalisay ng Diyos sa paglilingkod sa Kanya. Sa mga ganitong pagkakataon natin napapatunayan at naipapakita kung tunay nga ba tayong naglilingkod o para sa sarili lamang.

Subalit alinman sa mga ito’y hindi natin magagawa o malalagpasan kung walang tulong ng Diyos. Marami tayong intensyong pangmakasarili na maaring nakatago lamang sa kaibuturan ng ating kalooban. Mawawala lamang ito sa pamamagitan ng pagdaan sa mga matitinding pagsubok at sa kagustuhang gawin ang tama lagi kahit pa mahirapan tayo. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?