
Hunyo 26, 2022. Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon.
(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo. Basahin po natin ang pagninilay na nasa dulo ng post na ito.)
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Thirteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
Pontifical Work of St. Peter the Apostle (Sancti Petri).
UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 16b. 19-21
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Elias: “Pahiran mo ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola, bilang propetang hahalili sa iyo.”
Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, isinuklob niya rito ang kanyang balabal. Pagdaka’y iniwan ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap: “Magpapaalam po muna ako sa aking ama’t ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”
Sumagot si Elias: “Sige, umuwi ka muna.” Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging katulong nito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
IKALAWANG PAGBASA
Galacia 5, 1. 13-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid:
Pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya. Magpakatatag nga kayo, at huwag nang paaalipin uli!
Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa’t isa dahil sa pag-ibig. Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ngunit kung kayu-kayo’y magkakagatan at magsasakmalang parang mga hayop, mauubos kayo.
Ito ang sinasabi ko sa iyo: ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at huwag ninyong susundin ang pita ng laman. Sapagkat ang mga pita ng laman ay laban sa mga ninanasa ng Espiritu, at ang mga ninanasa ng Espiritu ay laban sa mga pita ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang ibig ninyong gawin. Kung kayo’y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Lucas 9, 51-62
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Hesus sa langit, ipinasya niyang pumunta sa Jerusalem. Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit ayaw siyang tanggapin ng mga Samaritano sapagkat siya’y patungo sa Jerusalem.
Nang makita ito nina Santiago at Juan ay kanilang sinabi, “Panginoon, payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?” Ngunit bumaling siya at pinagsabihan sila. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo,” sabi niya, “sapagkat naparito ang Anak ng Tao hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila.” At nagtungo sila sa ibang nayon.
Samantalang naglalakad sila, may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus, “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.” Sinabi ni Hesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang aking ama.”
Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Mahalaga ang tawag ng Diyos sa ating buhay. Ano kaya ito? Kung saan tayo nilagay ng Diyos na isang mahalagang papel sa ating buhay, iyon ang Kanyang tawag sa atin. Halimbawa, ang pagiging isang asawa, o magulang, ang pagtatrabaho o ang negosyo. Ang iba ay tinawag sa buhay pagpapari o relihiyoso subalit mas marami pa rin ang mga laiko o yung mga nasa labas upang maglingkod sa Diyos habang nasa kanya-kanyang tahanan at pamumuhay. Opo, lahat tayo may tawag sa Diyos.
Mayroong bokasyon at misyon na kailangang gampanan. Ang isang tao na naghahanap buhay nang marangal ay isang malaking serbisyo ang ginagawa sa lipunan. Halimbawa, ang isang simpleng taong naghahatid ng pagkain na order mula sa mga kainan, sa mga tsuper na nagpapasada para may masakyan ang mga tao o sa mga propesyunal na nasa mga opisina upang tumulong patakbuhin ang mga negosyo. Kung ang mga tao’y nagtatrabaho nang mabuti, sila ay maituturing na marangal. Kung isasama nila ang Diyos sa pagtatrabaho o negosyo, kahit pag-aaral o kahit ano pang gawain, anumang aktibidad, proyekto o plano ay magiging banal.
Mapa-laiko, relihiyoso o pari, lahat tayo ay posible maging banal. Magiging banal tayo saan man magtungo at ano man ang gawin kung sasamahan natin ng dasal ang mga gawain at kung lagi nating nasa puso ang Diyos upang hingian ng tulong at sabihan ng saloobin. Walang anumang ang makakabalakid sa atin. Higit ngang tinawag ang mga relihiyoso at pari na iwanan ang lahat ng buhay sa labas at sa mundo para sa mas buong buong pag-aalay ng sarili sa Diyos. Subalit hindi ibig sabihin na sila lamang ang mag-aalay.
Ang sinumang may pamilya o kahit single ay maaring mag-alay ng sarili sa Diyos. Ibig sabihin nito’y Siya ang susundin natin sa lahat ng bagay. Ibig sabihin, ang magiging pinakamahalaga sa atin ay ang malaman ang kalooban at plano ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng panalangin at iyon ang ating susundin palagi.
Sa paggawa ng mabuti, sa pagsunod sa Diyos at sa paggawa ng Kanyang Salita ay walang pahinga, walang dahilan at walang balakid na may sapat na laki para tayo ay harangan sa daan na inihanda ng Diyos para sa atin. Ang kailangan lamang natin ay ang gustuhin ito. Dapat muna nating maisip at matanggap na ito ang daan ng Diyos na inihanda para sa atin upang tayo’y tuluyang makabalik sa Kanya. Ang kailangan natin ay ang kamalayang maiksi ang buhay dito sa mundo at ang buhay natin ay para sa Diyos hindi para sa sarili.
Maraming tukso sa mundo upang sundin lamang ang sarili at ang ating sariling kagustuhan. Subalit ang tunay na makapagpapasaya, makapagpupuno ng ating sarili ng talagang kasiyahang ating hinahanap-hanap ay ang pagsunod sa Diyos at sa Kanyang kalooban. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

