
Hulyo 8, 2022. Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Friday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green).
UNANG PAGBASA
Oseas 14, 2-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ito ang sinasabi ng Panginoon: Israel, manumbalik ka na sa Panginoon na iyong Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan. Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo sa Panginoon at sabihin ninyo, “Patawarin mo na kami. Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri. Hindi kami mailigtas ng Asiria, hindi kami sasakay ng mga kabayo. Hindi na namin tatawaging diyos ang mga larawang ginawa lamang ng aming mga kamay. Sa iyo lamang nakasusumpong ng awa ang mga ulila.”
Sabi ng Panginoon,
“Patatawarin ko na ang aking bayan.
Mamahalin ko sila nang walang katapusan,
sapagkat mapapawi na ang aking galit.
Ako’y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel,
at mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
mag-uugat na tulad ng matibay na punongkahoy;
dadami ang kanyang mga sanga,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng Libano.
Magbabalik sila at tatahan sa ilalim ng aking kalinga.
Sila’y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang punong ubas,
at ang bango’y katulad ng alak mula sa Libano.
Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako’y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong bunga.”
Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ng Panginoon, at doon tumatahak ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 8-9. 12-13. 14 at 17
Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.
MABUTING BALITA
Mateo 10, 16-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Ngayon, sinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Maging matalino kayo, gaya ng mga ahas, at matapat, gaya ng mga kalapati. Mag-ingat kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil. Kapag nililitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung paano ninyo sasabihin. Pagdating ng oras, ito’y ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
“Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayun din ang gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang, at ipapapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Sinasabi ko sa inyo: hindi pa ninyo napupuntahan ang lahat ng bayan ng Israel ay darating na ang Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Tila yata kay hirap na daranasin ng isang taga-sunod ng Panginoon o ng isang tagapag-hatid ng Mabuting Balita. Mabuti naman ang layunin, mabuti ang gawain subalit bakit ganoon ang pagtanggap ng mga tao? Ang ating buhay pananampalataya ay may kaakibat na sakripisyo. Kung hindi pa natin nararanasan na awayin dahil sa pananampalataya, ito’y dahil ni hindi man lang natin ipinagtatanggol ito o ni hindi man lang tayo nagpapahayag ng Mabuting Balita sa iba – sa kaanak, kaibigan, kakilala man o hindi.
Simpleng pagtatanggol ng pananalig sa social media ay maari nating gawin at mararanasan natin ito – kung paanong tuligsain ng mga tao dahil sa ating pinagtatanggol na mabuti. Ito’y sapagkat ang mabuti ay hindi laging gusto ng mundo. Ang tao ay likas na makasarili at nakakalungkot subalit may mga taong ayaw ng katototahanan sapagkat ang totoo na tinuturo ng Diyos ay tinuturuan tayong magbigay ng sarili. Ito’y nagsasabi sa atin na kalingain ang mga api na hindi laging gusto ng mga tao sapagkat ang mundo ay pinamamalakaran ng pera, kapangyarihan at sariling dangal.
Hindi ganito ang gusto ng Diyos dahil lahat ito’y panandalian. Para sa mga sumusunod sa Kanya, mayroon Siyang inihandang higit pa sa lahat ng iniaalay sa mundo. Gawin lamang muna natin ang mahirap ngunit mabuti ngayon. Kung gusto nating ipagtanggol at kalingain ang mga api at mahihirap hanggang sa maging bahagi ng buhay natin ang pagbibigay sa kanila, hindi ito magugustuhan ng lahat ng tao sa paligid natin. Ito’y sapagkat ang mga tao ay may kanya-kanyang pag-iintindi at ang tuon nito ay ang sarili.
Kung ganito pala, ano ang dapat nating gawin? Dapat ba tayo magpatuloy sa pagkamakasarili? Kung tayo’y mananalangin at patuloy na tatanggap ng sakramento ng Banal na Eukaristiya at Kumpisal, magkakaroon tayo ng lakas na harapin ang mga balakid para magawa ang dapat para sa Diyos. Hindi natin kailangan ng papuri ng mundo kung hindi ng parangal at gantimpala ng Diyos na matatamo lamang sa langit, sa pamamagitan ng tahasang pagsunod sa kanya. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

