Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagtitiis sa Kapwa”


 

Hulyo 16, 2022. Sabado ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon

o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

Saturday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Mikas 2, 1-5
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas

Sumpain ang mga nagbabalak ng kasamaan sa buong magdamag at maagang bumabangon upang ito’y isagawa. Kinakamkam nila ang lupa ng may lupa, inaagaw ang bahay na kanilang magustuhan. Hinahalughog nila ang bahay at sinasamsam ang mga ari-arian ng mga tao.

Kaya nga, sinasabi ng Panginoon: “May inihahanda akong parusa sa sambahayang ito, at walang makapipigil sa akin. Hindi na kayo muling magmamataas at magpapalalo pagkaraan ng araw ng inyong kaparusahan. Sa araw na iyon ay uuyamin kayo ng inyong mga kaaway at aawitan ng punebre ng kasawian: ‘Ganap na kaming nalipol; inalis na ng Diyos ang lupaing bahagi ng aming sambahayan at ibinigay sa mga bumihag sa amin.’”

Kaya’t wala na kayong mamanahing lupa na sa araw na yao’y hahatiin ng Panginoon para sa kanyang mga hinirang.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 9, 22-23. 24-25. 28-29. 35
Poon, huwag pabayaan
ang mga nahihirapan.

MABUTING BALITA
Mateo 12, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano ipapapatay si Hesus.
Alam ito ni Hesus kaya’t umalis siya roon. Maraming sumunod sa kanya at pinagaling niya ang lahat ng maysakit, ngunit mahigpit niyang ipinagbilin sa kanila na huwag ipamamalita ang tungkol sa kanya. Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias:

“Naririto ang lingkod ko na ako rin ang humirang,
minamahal ko nang labis, lubos kong kinalulugdan;
ang banal kong Espiritu sa kanya ay ibibigay,
sa lahat ng mga bansa ibabadha’y katarungan.
Hindi siya makikipagtalo, mahinahon kung mangusap,
ang tinig niya sa lansanga’y tinig lamang na paanas;
hindi niya puputulin yaong tambong nakahapay,
ni hindi rin papatayin ang umaandap na ilawan,
hanggang itong katarunga’y mapagtagumpay niyang ganap;
at ang pag-asa ng tao sa kanya ay ilalagak.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Paggunita po sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen! Kung kayo po ay mayroong “scapular” na nakatago lang sa bahay, ngayon na po ang isa sa pinakamagandang araw upang ito’y suotin ulit at huwag nang tanggalin pa. Ito ay ang senyales o tanda na tayo’y nakakonsagra o nakatalaga kay Maria. Wala nang hihigit pa sa lahat ng mga santo at santa kung hindi ang Mahal na Birhen na Ina ni Hesus. Hingiin natin ang Kanyang panalangin at tulong bilang ating ina dahil ang kanyang papel ay ang akayin tayo at ilapit tayo sa kanyang Anak na si Hesus.

Ang debosyon natin sa kanya ay hindi patungo sa kanya at hindi nagtatapos sa kanya. Ito ay tumutuloy at nagtatapos sa Panginoon. Sa Ebanghelyo ngayong araw, natunghayan natin na nagpapagaling ng mga may sakit si Hesus. Ito at ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ang Kanyang patuloy at walang tigil na ginagawa sa kabila ng pagbabatikos sa Kanya ng mga kumakalaban at hindi naniniwala sa Kanya. Ang ordinaryong tao ay maaring rumesponde ng galit, sama ng loob at masasakit ding salita subalit si Hesus na walang sala o kapintasan, ay tumutugon gamit ang kabutihan.

Kung gusto nating gayahin si Hesus at maging katulad Niya, gagawin din natin ito. Mahirap man at taliwas man ito sa natural ng tao na maghiganti at magalit, sa pamamagitan ng grasya at tulong ng Diyos ay magagawa natin ito. Magagawa nating magtiis, magpasensiya at magpatawad ng kapwa. Magagamit pa natin ang kasamaan ng tao bilang inspirasyon na gumawa ng mabuti. Hindi ba’t ito naman ang tamang gawin? Kung nakikita nating talamak na ng kasamaan at kasalanan ang mundo, dapat bang dagdagan pa natin sa pamamagitan ng galit at poot? Hindi po.

Pinakawais ang Diyos sa lahat, higit sa lahat ng tao sa Kanyang pagtugon gamit ang mabubuting gawain upang labanana ang kasamaan at manaig ang mabuti. Kung tayo’y totoong nananalig sa Kanya gaya ng sinasabi natin, susundin natin Siya at ang Kanyang ginagawa kahit gaano kahirap. Lalabanan natin ang sarili nating kagustuhan na mali upang magawa ang tama na ikalulugod ng Diyos.

Ito nga ay ang ating Krus subalit ito namang parehong Krus na ito ang magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. Hindi ang makamundong yaman, titulo, pangalan at dangal – walang iba kung hindi ang ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa na may kasamang gawa. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?