
Disyembre 2, 2023. Sabado ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado.
MABUTING BALITA
Lucas 21, 34-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig.
Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Bukas nga po ay Unang Linggo na ng Adbiyento. Kailangan na nating ihanda ang ating mga puso para sa malaking pagdiriwang ng pagdating ng Panginoon. Paano nga ba tayo maghahanda? Unang una, kailangang maalala natin ang kahalagahan ng sakripisyo. Kapag nakukuha natin ang lahat ng gusto natin, nagkakaroon tayo ng ilusyon na tayo na ang tila “hari o reyna” sa lahat ng bagay. Mahirap nang magbigay sa iba dahil mas matimbang na ang sariling kagustuhan. Tila naiisip natin na tayo na rin ang nasusunod sa lahat.
Ganito rin ang nangyayari kapag nakalimutan na nating magbigay sa mahihirap. Kung tayo na lamang ang nabubusog at tila wala na tayong pakialam sa mga ibang nagugutom. Kapag nasa atin na ang lahat ng kailangan, natural sa taong maging kontento na. Hindi na alintana ang iba pang naghihirap.
Kaya naman, kung alam natin ang kahalagahan ng sakripisyo, gagawin pa rin nito kahit maging kontento tayo sa ating sariling pamumuhay. Kung ang layunin natin ay ang maging isang mabuting Kristiyano, mas mahalagang makapagbigay kahit na mahirapan.
Ang pagkamatay sa sarili sa ganitong paraan ay isang paghahanda para sa buhay na walang hanggan. Doon, wala nang kahit anong materyal na bagay o hangarin ang mahalaga.
Ang Diyos na pinakahinahanap-hanap noong nasa mundo pa ang sasapat at pupuno sa pusong dati’y nangulila sa Kanya.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen.
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

