Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pakikinig sa Diyos”

https://margaritafidei.files.wordpress.com/2024/01/17060878583527e2.jpg?w=863&h=1&crop=1

 

 

Enero 24, 2024. Paggunita kay San Francisco de Sales, obispo at pantas ng Simbahan.

MABUTING BALITA
Marcos 4, 1-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, muling nagturo si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kaya’t lumulan siya sa isang bangkang nasa tubig at doon naupo. Ang karamihan nama’y nasa dalampasigan, nasa gilid na ng tubig. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinhaga. Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo! May isang magsasaka na lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon.

May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Agad sumibol ang mga iyon, sapagkat manipis lamang ang lupa doon; ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga binhing tumubo kaya hindi nakapamunga. At may binhing nalaglag sa matabang lupa, at ito’y tumbo, lumago, at nag-uhay na mainam – may uhay na tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan ang butil.” Sinabi pa ni Hesus, “Ang may pandinig ay makinig.”

Nang nag-iisa na si Hesus, ang ilang nakarinig sa kanya ay lumapit na kasama ang Labindalawa, at hiniling na ipaliwanag ang talinghaga. Sinabi niya, “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang lihim tungkol sa paghahari ng Diyos; ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga.

Kaya nga’t,
‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakita.
At makinig man nang makinig ay hindi makaunawa.
Kundi gayon, marahil sila’y magbabalik-loob sa Diyos at patatawarin naman niya.’”

Pagkatapos tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang ibang talinghaga? Ang inihahasik ay ang Salita ng Diyos. Ito ang mga nasa daan, na nahasikan ng Salita: pagkatapos nilang mapakinggan ito, pagdaka’y dumarating si Satanas, at inaalis ang Salitang napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kabatuhan. Pagkarinig nila ng Salita, ito’y agad nilang tinatanggap na may galak.

Ngunit hindi naman ito tumitimo sa kanilang puso, kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Ang iba’y tulad ng napahasik sa dawagan. Dininig nga nila ang Salita, ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga. Ngunit ang iba’y tulad sa binhing napahasik sa matabang lupa: pinakikinggan nila at tinatanggap ang Salita, at sila’y nagsisipamunga – may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu, at may tigsasandaan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang paggunita po kay San Francisco de Sales! Ang tungkol po sa kanya ay mababasa matapos ng pagninilay na ito. Ang Panginoon ay ang maghahasik ng binhi. Wala siyang pinipili at naghahasik Siya sa lahat, kaya naman hindi lahat ay may bunga. May apat na iba’t ibang klase ng lupa. Saan kaya tayo rito? Ang tawag sa atin ay ang panghuli, ang maging matabang lupa. Lahat ng itanim dito ay namumunga at walang tapon. Lahat kaya ng binibigay sa atin ng Diyos ay namumunga at nadaragdagan o tila ba napapako tayo sa mga alalahanin ng buhay, kawalang pakialam o pag-ibig sa ibang tao at materyal na bagay?

Ganoon po ang tatlo pang ibang uri ng lupa. Hindi sila namumunga sapagkat laging may balakid. Ano ang balakid mo sa iyong buhay upang sumunod sa Diyos at tuluyang magsilbi sa kapwa? Nawa’y sa pamamagitan ng ating pananalangin ay maging matabang lupa po tayo at mapagtagumpayan natin ang mga humaharang sa atin upang mamuhay alinsunod sa ebanghelyo. Ang pamumuhay ng ayon sa Mabuting Balita ay hindi komportableng buhay. Kasama rito ang tunay na malasakit sa kapwa, iyong may kasamang gawa at pagbibigay ng sarili kaya hindi ito magiging madali kahit kailan dahil kasama tayo sa paghihirap ng iba.

Ang mga binibigay ng Diyos sa atin ay dapat maibahagi sa iba ayon sa ating kakayanan. Siya ang nagtatanim at tayo ang pinagtataniman. Gumawa tayo ng mabuti at magsalita ng mabuti galing sa mabuting pag-iisip na puno ng Mabuting Balita, hindi ng sabi-sabi, kasalanan o tsismis ng iba. Nilikha tayo para magmahal ng Diyos at kapwa na may kaakibat na gawa. Tungkulin nating makinig at gawin ang Salita ng Diyos sa abot ng ating makakaya.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Tungkol kay San Francisco de Sales: https://www.ourparishpriest.com/2024/01/saints-of-january-san-francisco-ng-sales/

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri

 

 

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?