Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pamumunga Ng Masagana”

 

 

 

 

Hulyo 20, 2022. Miyerkules ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon

o kaya Paggunita kay San Apolinario, obispo at martir.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Wednesday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Apollinaris, Bishop and Martyr (Red).

UNANG PAGBASA
Jeremias 1, 1. 4-10
Ang simula ng aklat ni propeta Jeremias

Ang aklat na ito ay sulat ng mga sinabi at ginawa ni Jeremias na anak ni Hilcias at isang saserdote sa Anatot, sa lupain ng lipi ni Benjamin.
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinili na kita bago ka ipinaglihi upang maging propeta sa lahat ng bansa.”

Sinabi ko naman, “Panginoon, hindi po ako marunong magsalita; bata pa po ako.”
Subalit sinabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka. Sinusugo kita kaya’t humayo ka. Ipahayag mo sa lahat ang aking iuutos sa iyo. Huwag mo silang katatakutan pagkat ako’y sasaiyo at iingatan kita. Akong Panginoon ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, iniunat ng Panginoon ang kanyang bisig, hinipo ang mga labi ko, at sinabi, “Hayan, ibinibigay ko sa iyo ang dapat mong sabihin. Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihan sa mga bansa’t mga kaharian, sila’y bunutin at ibagsak, lipulin at iwasak, ibangon at itatag.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

MABUTING BALITA
Mateo 13, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalipumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga.
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon.

May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ang ating puso at mga kaluluwa ay maihahalintulad sa isang lupa. Ang Salita naman ng Diyos ang binhi. Anong uri ng lupa kaya ang ating mga puso? Tila ba naninigas ito na parang bato kaya ba sa panahon ng pagsubok ay tila nanghihina tayo? Ang tatlong uri ng lupa – ang nasa tabi ng daan, ang kabatuhan at ang dawagan ay ang mga lugar kung saan hindi tumutubo ang binhi o ang Salita ng Diyos. Kapag tayo kasi ay nakikinig sa Salita ng Diyos at ginagawa ito, dapat ito’y namumunga ng mabubuting gawa.

Tayo ang nagdudulot ng pag-asa at buhay sa iba sa pamamagitan ng ating mabubuting salita at gawa. Ang grasya ng Diyos, kapag ating binabahagi at hindi pinagdadamot, ay lalong lumalago at lumalaki. Gayundin ang kasalanan. Kaya sa mabuti o masama, ano na kaya ang ating pipiliing maging bunga sa iba?
Walang dapat nasa gitna o katamtaman sapagkat kung ganito lang din ay wala rin itong bunga na talagang makabubuti.

Kailangang pumili tayo ng landas at tahakin ito. Kung pinipili natin ang mabuti, gawin natin ang lahat para maging ito at gawin ito. Ganito ang mabuting lupa, ang pang-apat. Subalit ang tatlo naman na naunang nabanggit ay laging may balakid. Ang nasa tabi ng daan ay ang mga taong hindi tinatanggap ang salita ng Diyos. Ito ang mga taong ayaw makinig at hindi naniniwala sa Salita ng Diyos.

Ang mga nasa batuhan naman ay ang mga mababaw lamang ang pag-iintindi sa Salita ng Diyos. Ang akala nila ay puro lamang masaya at madali at natutuwa nga sila kapag ganito. Subalit pagdating sa pagsasakripisyo sa kapwa, sa pagsubok at sa mga obligasyon ay ayaw nang pakinggan at gawin ang Salita ng Diyos. Kung nakukuha natin ang gusto natin sa Diyos at kung natutuwa tayo sa mga biyayang binigay Niya subalit hanggang doon na lamang tayo, para rin tayong batuhan.

Sa huli, ang mga nasa dawagan naman ay ang mga nakukuha ng mga alalahanin sa mundo. Hindi rin ito makakapamunga sapagkat bago pa man mangyari ito ay nakakaharang na ang kanyang mga alalahaning hindi niya maiwan sa kanyang puso. Dapat nating pagsikapan na tayo’y maging ang mabuting binhi. Naririyan ang mga takot at alalahanin, naririyan ang tukso subalit labanan natin sila at huwag tayong magpapadala. Piliin nating sumunod sa Panginoon kahit mahirap dahil tayo’y naniniwala ito ang pinakamahalaga sa ating buhay – ang paghahanda sa buhay na walang hanggan.

Buong tiwala nating pakinggan at gawin ang salita ng Diyos. Huwag tayong magpapadala sa mga pangamba at mga takot at magtiwala tayo na sumunod lamang tayo sa Salita ng Diyos ay Siya ang magdudulot ng lahat ng ating kailangan. Kung magbigay man tayo, kahit ang sa atin ay mabawasan o tayo ay mawalan, Diyos ang magbibigay ulit sa atin. Hindi naman talaga tayo mawawalan sa Diyos. Patuloy pa nga na iikot ang biyaya. Kung maghahanap buhay tayo ng tapat at malinis ang ating trabaho o negosyo, kahit sa una ay maliit ang kita, dadagdagan ito ng Diyos at pagyayamanin sapagkat ginagawa natin ang mabuti kahit anong mangyari.

Ang tatlong hindi mabubuting lupa ay may kakulangan ng tiwala sa Panginoon. Para tayo ay lumago bilang mga tao, Kristiyano at anak ng Diyos, dapat na tayo ay pinipili pa ring lagi na makinig at magtiwala sa Diyos kahit pa ito’y taliwas sa sinasabi ng mundo. Tayo nawa ay mamunga nang magana dito at hanggang sa buhay na walang hanggan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?