Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pananalig at Pagkilala”


 

 

 

Setyembre 12, 2022. Lunes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon

o kaya Paggunita sa Kamahal-mahalang Ngalan ng Birhen.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

UNANG PAGBASA
1 Corinto 11, 17-26. 33
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin: ang inyong pagtitipon ay hindi nakabubuti kundi nakasasama. Una sa lahat, nabalitaan kong kayo’y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako’y naniniwalang may katotohanan iyon. Kailangan pang magkabukud-bukod kayo upang makilala kung sino ang mga tapat. Sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ang kinakain ninyo.

Sapagkat ang bawat isa sa inyo’y nagmamadali sa pagkain ng kanyang dala, kaya’t nagugutom ang iba at ang iba nama’y nalalasing. Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? O hinahamak ninyo ang simbahan ng Diyos at hinihiya ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon?

Purihin kayo? Hindi! Hindi ko kayo pupurihin!
Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.”

Gayun din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ito ang kalis ng aking dugo ng bago at walang hanggang tipan. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin niyo ito sa pag-alala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.

Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 17
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

MABUTING BALITA
Lucas 7, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nang maituro ni Hesus sa mga tao ang kanyang aral, siya’y pumasok ng Capernaum. Doo’y may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang ginagawa ni Hesus, nagpasugo siya sa ilang matatanda sa mga Judio upang ipakiusap kay Hesus na puntahan at pagalingin ang alipin.

Nang makita nila si Hesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, “Siya’y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa,” wika nila. ”Ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sinagoga.” Kaya’t sumama sa kanila si Hesus. Nang malapit na siya sa bahay, ipinasalubong siya ng kapitan sa kanyang mga kaibigan at ipinasabi ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi ako karapat-dapat na puntahan ninyo sa aking tahanan. Ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo.

Ngunit magsalita po lamang kayo at gagaling na ang aking alipin. Sapagkat ako’y isang taong nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at may nasasakupan din po akong mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika! siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ito’y ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at humarap sa makapal na taong sumusunod sa kanya. Sinabi niya, “Kahit sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananalig.” Pagbabalik sa bahay, naratnan ng mga sinugo na magaling na ang alipin.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Paggunita po sa Kamahal-mahal na Ngalan ng Birhen! Ang mga tagpo sa ating Ebanghelyo ngayon ay isang pagpapagaling na dulot ng matibay na pananalig ng isang taong hindi naman kabilang sa lipi ng Israel. Hindi siya kasali sa “Piniling Bayan” subalit napakalaki ng kanyang paniniwala kay Hesus. Alam niyang si Hesus ay nakakapagpagaling at naniwala siyang kahit salita lamang ay matutupad ito. Tayo kaya, naniniwala tayo na isang salita lamang ng Diyos ay matutupad ang ating hinihiling? Madalas tayo’y nababalisa kapag hindi natin agad nakukuha ang ating gusto.

Madalas tayo’y naiinip at baka naiinis pa nga kapag hindi natutupad ang ating hiling. Subalit, naisip ba natin kung kumusta ang ating pananalig? Naisip ba natin kung paano natin ituring ang Diyos – kung Siya ba’y ating tinatrato bilang isang Ama o tinatawag lamang natin Siya kung tayo’y may kailangan lang?
Ayusin muna natin ang ating relasyon sa Diyos. Tawagin natin Siya sa lahat ng oras, kilalanin natin Siya kung sino Siya at humiling na maging matibay ang ating pananalig sa Kanya.

Sa gayung paraan, hindi tayo magkukulang sa kahit ano. Anumang para sa atin na pinakamaganda ayon sa Kanyang kalooban ay matutupad. Ang kapitang humiling mula kay Hesus ay mayroong mga salitang maalala natin panghabang-buhay. Kung matatandaan, ito ang ating sinasabi tuwing bago tumanggap ng Banal na Komunyon, “Panginoon, hindi ako karapatdapat magpatuloy sa Iyo, ngunit sa isang salita Mo lamang ay gagaling na ako.”

Ang buong buhay ni Hesus, ang Kanyang katawan at dugo ay Kanyang ibinigay sa atin nang walang kondisyon, kahit na tayo pa ay mga makasalanan. Ano pa ang hindi Niya kayang ibigay at ibibigay sa atin? Wala sa Diyos ang problema kung hindi sa kakulangan ng ating pananampalataya at pagkilala sa Kanya. Nawa’y ito ang ating hilingin at ipagdasal sa Kanya una sa lahat – na pagtibayin nawa ng Panginoon ang ating tiwala sa Kanya at pagkalooban tayo ng grasyang makilala Siya. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?