Mayo 21, 2025
MABUTING BALITA
Juan 15, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkakaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
“Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.” Marami sa atin dahil sa pagmamataas na sinusubukan at pinipiling mag-isa, subalit ang Diyos ay laging kasama sa puso natin at naghihintay na kausapin natin Siya roon saan man tayo magpunta. Likha tayo ng Diyos, galing tayo sa Kanya at sa Kanya babalik, kahit anong pilit nating humiwalay sa Kanya, may tawag ang Diyos sa bawat isa sa atin na bumalik sa Kanyang piling. Tayo ba ay nagdarasal sapat sa isang araw? Mula paggising, bago matulog, bago kumain at matapos kumain? Sa mga hindi planadong oras sa maghapon kung kailan tayo mag-isa, naiisip ba nating kausapin ang Diyos? Baka napalitan na ng aliw ng cellphone ang mga bahagi ng bakanteng oras na dapat sana’y inilalaan natin sa Kanya upang maihinga ang ating saloobin, makakuha ng patnubay at gabay sa ating desisyon at matuto sa mga nagdaang mga kaganapan sa buhay. Maraming maitutulong sa atin kung pipiliin nating manahimik minsan, magmuni, magnilay at manalangin dahil hindi lahat ng nakikita sa social media ay nakakatulong sa atin. Hindi lahat ay kailangan upang mas bumuti ang ating buhay at pagkatao. Diyos lamang ang makakagawa nito at nawa’y mas magbigay tayo ng oras sa Kanya upang manatili tayo sa Kanya. Amen.
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications