Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pananatili sa Diyos”

Hulyo 17, 2022. Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo. Basahin po natin ang pagninilay na nasa dulo ng post na ito.)

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Sixteenth Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Genesis 18, 1-10a
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, napakita ang Panginoon kay Abraham sa Mamre sa may sagradong mga punongkahoy. Noo’y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang anu-ano’y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo. Patakbo siyang sumalubong, yumukod nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi: “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, magtuloy po kayo sa amin. Dito muna kayo sa lilim ng punong ito, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa.

Magpapahanda tuloy ako ng pagkain para manauli ang lakas ninyo bago kayo magpatuloy sa inyong paglalakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”
Sila’y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.” Si Abraham ay nagdudumaling pumasok sa tolda at sinabi kay Sara, “Madali ka, kumuha ka ng tatlumpung librang harina, at gumawa ka ng tinapay.”

Pumili naman siya ng isang matabang guya sa kulungan, at ipinaluto sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at sariwang gatas at inihain sa mga panauhin kasama ang nilutong karne. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang sila’y kumakain.
Samantalang sila’y kumakain, tinanong nila si Abraham: “Nasaan ang asawa mong si Sara?”

“Nandoon po sa tolda,” tugon naman nito.
Sinabi ng panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbabalik ko’y may anak na siya.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5

Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 1, 24-28
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid:

Nagagalak ako sa aking pagbabata ngayon alang-alang sa inyo sapagkat sa pamamagitan nito’y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Kristo para sa simbahan na kanyang katawan. Ako’y naging lingkod nito nang hirangin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita. Hinirang niya ako upang lubusang ihayag sa inyo ang hiwaga na mahabang panahong nalihim sa maraming sali’t saling lahi, ngunit ngayo’y inihayag sa kanyang mga anak.

Inibig ng Diyos na ihayag sa lahat ng tao ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito. Ito ang hiwaga: sumainyo si Kristo at dahil dito’y nagkaroon kayo ng pag-asang makapiling ng Diyos doon sa kaluwalhatian. Iyan ang dahilan kung bakit namin ipinangangaral si Kristo. Pinaaalalahanan namin ang lahat, at buong linaw na tinuturuan ayon sa aming makakaya upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa, sakdal at walang kapintasan dahil sa pakikipag-isa kay Kristo.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 10, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo.

Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Ang magkapatid na sina Marta at Maria ay kinatawan ng dalawang pinakamalaking bokasyon sa Simbahan – ang buhay pananalangin at ang buhay paglilingkod. Ito’y hindi maaring mapaghiwalay gaya ng kung paanong magkapatid sina Marta at Maria. Hindi tayo maaring puro na lamang gawa o paglilingkod na nakakalimutan na nating umupo para manalangin, manahimik at kausapin muli ang Diyos. Kapag ka tayo ay ganito, pagdaka’y maari tayong dumating sa puntong para bang nalilito na tayo o tila walang direksyon sa buhay.

Ang pagiging masyadong abala hanggang sa puntong mawalan tayo ng oras sa Diyos ay higit na nakakapagod. Dito tayo nagsasawa sa buhay dahil ang Puno ng ating lakas ay baka nakakaligtaan na natin – ito nga ay ang Diyos. Mas marami tayong magagawa kung kasama Siya at kung tayo’y nakakapanalangin bago gumawa, matapos gumawa at kahit habang gumagawa. Isang simpleng panalangin o pakikipag-usap mula sa puso sa Diyos ay sapat na. Hindi kailangan ng maraming salita para sabihing iyon ay isang panalangin.

Hindi rin naman maaring puro tayo dasal na lamang o pakikinig matapos ay wala naman tayong nagagawa. Ito’y sapagkat ang pananampalataya ay dapat namumunga ng gawa. Ito ang isa sa palatandaan na tunay ang ating pananampalataya – kapag hinahayaan nating baguhin tayo nito. Kapag dahil sa pananalig na ito, tayo ay kumikilos upang gawin ang mabubuting bagay para sa Diyos, ito ay tunay at hindi lamang sa salita.

Alin kaya tayo rito sa ating buhay? Mas nakikita ba natin ang sarili na parang si Maria? O tayo ba ay parang si Marta? Bagamat posibleng mas makita natin ang ating sarili sa isa sa magkapatid, sikapin natin na maging balanse ang ating buhay sa panalangin o pakikinig sa Diyos at pati pagkilos. Dapat mayroon tayo ng parehong iyon, alinsunod sa kalooban ng Diyos. Ito’y pinag-iisipan, pinagdadasalan at pinaghahandaan.

Paano ba gusto ng Diyos na tayo’y manalangin at makapapakinig sa Kanya? Mayroon dapat tayong iskedyul ng panalangin. Kung ano ang ating ginagawa sa umaga pagkagising, ano ang ating dinarasal. Sa buong araw naman ano ang mga pagkakataong maari nating kausapin ang Diyos kahit nasaan man tayo at ano ang ating ginagawa. Ang mahalaga dito ay ang pag-alala sa presensiya ng Diyos at paghingi ng tulong sa Kanya sa mga bagay kung tayo’y nahihirapan sa mga gawain. Kasama rin dito ang pananalangin ng rosaryo, nobena, ang pagbabasa at pagninilay sa Ebanghelyo sa bahay man o kapag nasa biyahe. Marami tayong maaring gawin kung gugustuhin lamang natin. Ito nga ay ang tinuturing na pagkain ng ating kaluluwa.

Hindi tayo mabubuhay ng wala ang Diyos. Kung ang ugali natin ay mapag-isa at ang solusyunan ang problema natin mag-isa, higit na mas giginhawa at dadali ang lahat kung kasama natin ang Diyos. Siya ang magtuturo sa atin ng ating gagawin sa trabaho man, opisina, negosyo o eskwela. Matuto tayong pakinggan Siya, manalangin sa Kanya at konsultahin Siya kahit nasaan tayo at anuman ang ating ginagawa. Hindi rason na tayo’y abala.

Tandaan natin na ang pinakamahalaga sa buhay ay ang Diyos. Sa Kanya galing ang ating buhay, Siya ang ating Ama. Sinong mabuting anak ang nakakalimot sa magulang? Ngunit ang mabuting anak ay sinisikap laging makausap ang magulang at masunod ang nais nito sapagkat siya’y nagmamahal. Ganito sana tayo sa Diyos. Huwag nating kaligtaang Siya’y laging naghihintay sa atin nang may buong tiyaga. Hindi Siya nagagalit kapag tayo’y nakakalimot subalit gustong gusto Niya tayong makausap. Gustong gusto Niyang maging bahagi ng ating buhay, sana ay hayaan natin Siya. Makipagkonekta tayo sa Diyos na Siya dapat na puno, pagpapatuloy at dulo ng lahat ng ating gawain.

Sa gitna ng mga ginagawa, naroon pa rin ang Diyos. saan man tayo magpunta, naroon ang Diyos. Nasa atin Siya, sa ating mga puso, wala Siya sa malayo. Hindi lamang natin napapansin dahil baka ang utak natin ay napupuno ng maraming bagay. Anu-ano ang mga ito? Maari rin itong ibuhos kay Hesus isa-isa sapagkat gusto Niyang Siya’y kasama at kasali lagi sa araw-araw nating buhay mula sa malalaki hanggang sa pinakamaliliit na bagay. Ganito kadakila ang pag-ibig ng Diyos na baka hindi lamang natin nakikita o naalala. Nawa ay sa tulong ng Diyos, makita at maranasan din natin itong walang hanggang pananalangin mula paggising hanggang pagtulog – may gawa man o wala. Gaya ni Maria, nawa’y piliin natin ang lalong mabuti – ang manatili lagi sa Diyos nasaan man at kailanman. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?