
Hulyo 21, 2022. Huwebes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay San Lorenzo ng Brindisi, pari at pantas ng Simbahan.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Thursday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Lawrence of Brindisi, Priest and Doctor of the Church (White).
UNANG PAGBASA
Jeremias 2, 1-3. 7-8. 12-13
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Sinabi sa akin ng Panginoon na pumunta ako sa Jerusalem at ipahayag ito sa lahat ng naroroon:
“Natatandaan ko ang iyong katapatan noong bata ka pa,
mahal na mahal mo ako nang tayo’y bagong kasal;
sinundan mo ako sa gitna ng disyerto, sa gitna ng lupaing walang tanim na anuman.
Israel, ika’y akin lamang, Ikaw ang pinakamainam na bahagi ng aking ani;
pinahirapan ko ang lahat ng nanakit sa iyo,
pinadalhan ko sila ng mga kaguluhan.
Akong Panginoon ang nagsasabi nito.”
Dinala ko sila sa isang lupaing masagana
upang tamasahin nila ang kayamanan niyon.
Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain dahil sa karumaldumal nilang mga gawain.
Di man lamang nagtatanong ang mga saserdote,
‘nahan na ngayon ang ating Panginoon?’
Di ako nakikilala ang mga dalubhasa sa Kautusan,
hindi sumsunod sa akin ang mga pinuno;
nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal,
sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyusan.
Kaya manginig kayo sa takot, O kalangitan,
manggilalas kayo at manghilakbot;
Akong Panginoon ang nagsasalita.
Dalawa ang kasalanan ng aking bayan:
tinalikdan nila ako, akong bukal ng tunay na buhay,
at humukay sila ng sariling balon, mga balong walang maibibigay na tubig.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 35, 6-7ab. 8-9. 10-11
Sa ‘yo, Poon, nagmumula
ang umiiral na madla.
MABUTING BALITA
Mateo 13, 10-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit ang mga alagad at tinanong si Hesus: “Bakit po ninyo dinadaan sa talinghaga ang inyong pagsasalita sa kanila?” Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakikita, at nakikinig ngunit hindi nakaririnig ni nakauunawa.
Natutupad nga sa kanila ang hula ni Isaias na nagsasabi:
‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makauunawa,
at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakikita.
Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Kung di gayun, disin sana’y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sa akin,
at pinagaling ko sila, sabi ng Panginoon.’ Mapalad kayo, sapagkat nakakikita ang inyong mga mata at nakaririnig ang inyong mga tainga! Sinasabi ko sa inyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang nagnasang makakita sa inyong nakikita, ngunit hindi ito nakita at makarinig sa inyong naririnig, ngunit hindi ito napakinggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Ang Panginoon ay nagpapahayag ng pagkabulag at pagkabingi na hindi lamang pampisikal subalit pang-espiritwal. Tayo nga ay maaring nakakarinig gamit ang tainga subalit maaring hindi natin naiintindihan ng lubos ang Salita ng Diyos. Maaring hindi ito nanunuot sa ating mga puso at isip. Ang Salita ng Diyos ay tila dapat pagkain na nginunguyang mabuti, matapos ay ito’y lulunukin. Tutunawin ito ng ating sikmura at hanggang sa ito’y nagiging bahagi ng katawan natin. Binibigyan tayo ng nutrisyon ng pagkain at dahil dito kaya tayo nabubuhay.
Ganito rin ang Salita ng Diyos dapat sa atin. Kapag narinig ito’y tila sinusubo natin. Subalit ang iba’y tumitikim lang at nilalasan hindi talaga ito tinatanggap sa loob. Kaya ito’y hindi natutunaw at hindi nagiging bahagi ng ating buhay. Kapag ayaw natin itong sundin at gawin, hindi tayo kumakain ng Salita ng Diyos, tayo’y tumitikim lamang at hindi nagkakaroon ng nutrisyon ang ating espiritwal na buhay. Hindi man ito laging matamis o kaaya-aya sa ating panlasa, ito ang laging makakabuti sa atin. Buksan natin ang ating mga mata at tainga sa Diyos. Piliin natin ang karunungan Niya hindi ang sariling pag-iisip.
Huwag nating gamitin ang sariling pang-unawa lamang, bagkus ay subukan nating magtanong sa Diyos sa mga bagay na hindi natin nauunawaan. Tayo ay magiging mas masagana sa ating buhay sapagkat pinili nating maniwala sa Kanya kahit hindi natin naiintindihan. Dadami ang ating biyaya at pagpapala dito hanggang sa kabila dahil sa ating pagsunod kahit mahirap ang pagdaraanan. Ang pananampalataya ay ang paglalakad kahit hindi nakakakita, gaya ng sabi ni San Pablo sa Banal na Kasulatan.
Kaya nga pananampalataya sapagkat ito’y ginagamit sa mga bagay na hindi nakikita nang buo sa mundo subalit tayo’y naniniwala nang buo sa pamamagitan ng karunungan, kapangyarihan at grasya ng Diyos. Naniniwala rin tayong darating ang panahon na mahahayag ang lahat ay ito’y sa kalangitan, sa buhay na walang hanggan. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
 
         
                            
