
Ika-16 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
MABUTING BALITA
Juan 5, 33-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio, “Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag.
Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang unang araw ng Simbang Gabi po sa ating lahat! Ang patotoo ni Juan Bautista ay umabot hanggang kamatayan. Tayo rin ay tinatawag na magpatotoo kay Hesus at sa ating pananampalataya. Kabi-kabila ang mga panunuligsa sa Simbahan at mga pari, anong sinasabi natin para ipagtanggol sila? Talamak na rin ang paglapastangan sa Diyos ngunit may sinasabi ba tayo para itama sila? Tayo ba ay nagdarasal upang humingi ng tawad sa Diyos para sa kasalanan natin at ng buong mundo?
Kung tunay tayong mga Kristiyano, ang mga ito ang pupuno sa ating puso bilang mga suliranin. Hindi lamang sarili ang ating iniintindi ngunit pati ang Simbahan dahil tayo ay kabilang sa isang malaking pamilya ng Diyos. Malapit na ang Pasko, magdiriwang tayong muli ng pagparito ni Hesus na ating Tagapagligtas. Ano ba ang ibig sabihin nito sa atin? Puro tuwa at saya na lamang ba?
Bilang taga-sunod Niya, alalahanin nating kailangan din nating buhatin ang ating Krus tulad Niya. May kaakibat na paglilingkod at sakripisyo ang pagparito ni Hesus. Ganoon din tayo, hindi puro sa saya ngunit maging hanggang sa dusa, maging Kristiyano tayo sa parehong salita at gawa.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

