Agosto 21. 2022. Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon.
(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo. Basahin po natin ang pagninilay na nasa dulo ng post na ito.)
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Twenty-first Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Isaias 66, 18-21
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Nalalaman ko ang iniisip nila at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at mga taong iba’t iba ang wika. Malalaman nila kung gaano ako kadakila. Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang padala sa iba’t ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Pul at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Javan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila.
Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila’y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan. Ang ilan sa kanila ay gagawin kong saserdote at ang ilan ay Levita.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
o kaya: Aleluya.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 12, 5-7. 11-13
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, nalimutan na ba ninyo ang pangaral ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya – mga salitang nagpapalakas ng loob ninyo?
“Anak, huwag kang magwalang-bahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon,
at huwag panghinaan ng loob kapag ikaw ay pinarurusahan niya.
Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig niya,
at pinapalo ang itinuturing niyang anak.”
Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagkat ito’y nagpapakilalang kayo’y inaari ng Diyos na kanyang mga anak. Sinong anak ang hindi itinuwid ng kanyang ama? Habang tayo’y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.
Kaya’t palakasin ninyo ang inyong lupaypay na katawan at tipunin ang nalalabi pang lakas! Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi tuluyang mapilay, kundi gumaling ang paang nalinsad.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Lucas 13, 22-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay. Siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan patungong Jerusalem. May isang nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya, “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.
“Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ At sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.’ Sasabihin naman ng Panginoon, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!’
Tatangis kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama’y ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Linggo sa ating lahat! Bakit tila nagagalit ang Panginoon sa ilang tao? Itinatakwil ba Niya ang Kanyang mga lingkod at kinakalimutan sila? Malayo ito sa katotohanan! Sa halip, sabi ng Panginoon, “Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.” Tunay na maraming tao ang naglilingkod sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan ngunit ang kanilang mga puso ay wala sa Kanya. Sa kaibuturan ng kanilang puso, may pagmamataas at pagnanais na makita na sila ang “mabubuti” sa paningin ng marami. Hindi ito ang puso ng isang tunay na lingkod ng Diyos. Para sa mga taong naglilingkod nang tapat sa Diyos, nasa isip at puso nila ang Diyos habang sila ay naglilingkod sa Kanya.
Wala silang pakialam kung sila ay makakuha ng pagkilala o palakpakan mula sa mga tao. Ang lahat ng kanilang alalahanin ay kung nagawa nila ang kanilang mga tungkulin at kung nagawa nila ito ng maayos. Ito ang ibig sabihin ng Panginoon na “may nauunang mahuhuli.” Oo, ang mga naglilingkod sa Diyos ay tila nasa pinakamataas na posisyon sa Simbahan. Nakikita natin sila sa lahat ng oras, sa liturhiya at sa iba’t ibang mga kaganapan sa Simbahan.
Lumilitaw na sila ay palaging nasa “frontline.” Ngunit, kung sila ay mabubulag sa pamamagitan ng pag-iisip sa kanilang sarili bilang higit sa iba dahil sa pagiging laging malapit sa Diyos, ang kanilang ningning at ang kaluwalhatian ay nababawasan din. Nababawasan ito dahil ang sentro ay nagiging ang sarili subalit hindi galing sa sarili ang ating kabutihan at kagalingan kung hindi sa Diyos.
Dapat tayong laging tumutok sa Diyos at sa Kanya lamang. Ito ay dahil nilikha Niya tayo para mahalin at paglingkuran Siya at ang ating kapwa. Sa dalawang ito nakasalalay ang mismong dahilan kung bakit tayo nabuhay. Ang pagmamahal ay pinakamainam na ipinahahayag sa pagbibigay at sa paglilingkod. Nilikha tayo ng Diyos sa paraang lubos na nasisiyahan ang ating mga puso kapag ibinibigay natin ang higit pa sa ating sarili sa iba.
Kapag ginagawa natin ito nang totoo, nang walang makasariling intensyon o motibasyon, ibabalik ng Diyos ang lahat ng mga biyayang ito sa atin. Higit pa sa ibinigay natin sa Kanya. Pinupuno Niya tayo at binibigyang kasiyahan Niya ang ating mga kaluluwa sa paraang hindi magagawa ng mundo. Kung kontento na tayo sa hindi napapansin, itataas tayo ng Diyos sa Kanyang oras. Maaaring hindi ito mangyari sa lupa kundi sa langit – kung saan makakamit natin ang ating permanenteng kaluwalhatian kasama Niya; isa na hindi maaaring alisin sa atin at isa na nakamit ng isang pusong tunay na nagmamahal sa Diyos at sa iba nang walang pagsasaalang-alang sa kanyang sarili. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pagsasalin ni: C.J.T.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications