
Hulyo 19, 2022. Martes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Tuesday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green).
UNANG PAGBASA
Mikas 7, 14-15. 18-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas
Patnubayan mo ang iyong bayan, Panginoon, ang bayan na iyong hinirang. Nag-iisa siya sa gitna ng matabang lupain. Bayaan mo silang manirahan sa magandang pastulan ng Basan at Galaad.
Magpakita ka sa amin ng mga kababalaghan tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan.
Wala nang ibang Diyos na tulad mo. Pinatatawad mo ang mga kasalanan ng nalabi sa bayan mong hinirang. Hindi ka nagkikimkim ng galit. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pagmamahal. Muli kang mahahabag sa amin, lilimutin mo ang mga pagkakasala namin at ihahagis sa kalaliman ng dagat. Ipamamalas mo ang iyong katapatan sa Israel at ang walang maliw na pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga magulang mula pa nang unang panahon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 2-4. 5-6. 7-8
Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.
MABUTING BALITA
Mateo 12, 46-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita pa si Hesus, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at ibig siyang makausap. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ibig kayong makausap.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Sino ang aking ina, at sinu-sino ang aking mga kapatid? Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ang kamag-anak ay hindi lamang nakabatay sa dugo. Tandaan natin na mayroon pang mas higit pa rito – ang pagiging magkakapatid natin sa iisang Diyos at ating Ama sa langit sa pamamagitan ni Hesus. Mahirap itong isipin lalo na kung tayo’y napako na sa materyalismo ng mundo. Kung tayo’y nakatuon lamang sa sarili at pagkakanya-kanya, ang daling kalimutan nito. Subalit ang Ebanghelyo ang magpapaalala sa atin ng totoo – na tayo ay iisang pamilya. Kung may naghihirap na ibang tao, ito rin ay ating paghihirap, ang mga may kaya ay may obligasyong tumulong sa kanila sapagkat hindi tayo kanya-kanya. Lahat tayo ay may iisang Diyos. Kung tayo’y nagmamahal, hindi tayo manghuhusga.
Kung tayo’y nagmamahal ng kapwa at inaalala nating tayo’y bahagi ng iisang pamilya ng Diyos, bibigyan natin ng pagkain ng mga nagugutom. Bibigyan natin ng damit ang mga walang maisuot. Dadalawin natin ang mga may-sakit at ang mga preso. Lahat ito ay ang bilin ng Diyos sa atin. Marami tayong rason kung ayaw nating gawin subalit kung ang puso natin ay gustong sumunod ay marami tayong makikitang paraan. Gaya ng kung paano natin gawan ng paraan kung may problema ang ating pamilya, ganoon din sana ang ating gawin sa iba sapagkat tayo ay bahagi ng iisang pamilya ng Diyos.
Ang pagiging tunay na kapatid ni Hesus at anak ng Diyos sa langit ay ang sumunod sa Kanyang pagtulong sa iba, hindi ang pagkakanya-kanya. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

