
Marso 19, 2024. Dakilang Kapistahan ni San Jose,Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen.
MABUTING BALITA
Mateo 1, 16. 18-21. 24a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Si Jacob, ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim.
Samantalang iniisip ni Jose ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi niya sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Dakilang Kapistahan po ni San Jose! Ite Ad Joseph! Ito’y kataga sa wikang Latin na ang ibig sabihin ay “Go to Joseph”. Pumunta tayo kay Jose. Ngayon ay ipinagdiriwang natin si San Jose bilang Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen. Bukod kay Hesus, wala nang mas dadakila pa sa isang lalaking tumayong ama ng Mesiyas. Siya ang may awtoridad sa Anak ng Diyos dito sa lupa, ang sinusunod at ulo ng Banal na Pamilya, ang tagapangalaga ng Mesiyas at ng Mahal na Birhen. Tunay ngang napakabanal, napalakas, at nakapamakapangyarihan ni San Jose. Ngunit, ang kapangyarihan niya’y hindi tulad ng mga tipikal na lalaki sa mundo.
Ang ipinapakita ng karamihan sa lalaki sa mundo ay pagkamayabang sa pamamagitan ng pagiging mas dominante kaysa sa babae, pagkakaroon ng maraming kayamanan at kasikatan. Malayong malayo si San Jose sa mga ito kaya dapat siyang tularan. Ang bukal ng kapangyarihan niya ay kabanalan. Siya ay mababa ang loob. Hindi niya ibinibida ang sarili at sinasabing karapatdapat siya sa karangalang ibinigay ng Diyos sa kanya. Sa halip, itinuturing niya ang sarili bilang mababa.Katunayan, tila lagi siyang nakatago sa parang belo upang hindi natin siya bigyan ng mas importansiya kaysa kay Hesus at Maria. Magagawa kaya natin itong hindi pag-angat ng sarili para ang kabutihan ng iba lalo ng Diyos ay mas mapansin?
Sa tahimik na pamamaraang ito nakikita ang tahimik din ngunit mawalak na kapangyarihan. Naiiba kaysa sa mga ibang santo, maari tayong lumapit sa kanya sa lahat ng pangangailangan. Trabaho man, maysakit, paghingi ng materyal at espirituwal na biyaya, mga kahilingan sa pamilya, anak, asawa, negosyo, iwas stress, bokasyon, paglalakbay at pag-aaral. Lahat ng maisip natin ay maaring hilinging ipagdasal ni San Jose.
Bukod kay Maria, siya ang pumapangalawang makapangyarihang manalangin para sa atin bilang ama ng Tagapagligtas dito sa lupa. Ibinigay niya ang buong buhay sa Diyos. Ibinibigay din ng Diyos ang anumang naisin ni San Jose.
Pumunta tayo sa kanya bilang atin ding espirituwal na ama. Itinuturing niya tayong mga anak, tayong lahat na bumubuo sa Simbahan. Hilingin nating protektahan niya at palaguin ang presensiya ni Hesus sa ating kalooban at buhay. Gagabayan at bibigyang proteksyon tayo ng amang naging instrumento ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kababaang loob at pagsunod nang tahimik at walang reklamo.
San Jose, aming espirituwal na ama, ipanalangin mo kami at akayin tungo kay Hesus. Amen.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
        
                        
                            
