
Disyembre 25, 2023. Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Pagmimisa sa Araw)
MABUTING BALITA
Juan 1, 1-18
o kaya: Maikling Pagbasa
Juan 1, 1-5. 9-14
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman.
Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumarating sa sanlibutan.
Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Ngunit ang lahat ng tumanggap at nanalig sa kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos.
Sila nga’y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos.
Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak.
Pagninilay:
Maligayang Pasko po sa ating lahat! “Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos.” Ito ang bungad ng ating ebanghelyo at ng Ebanghelyo ni San Juan. Ang Salita ay si Hesus. Sa pamamagitan Niya ginawa ang mundo. Simula pa’y naroon na Siya ngunit ngayon ay ipinanganak sa loob ng panahon.
Para saan ang lahat ng ito? Dapat nating maunawaan na ginawa Niya ang lahat dahil sa pag-ibig. Hindi Niya kailangang magkatawang-Tao pero pinili Niya para mailigtas tayo at makabalik sa Ama. Nagpakababa Siya at naging sanggol sa sinapupunan ni Maria para ipakita ang Kanyang pag-ibig at kababaang-loob sa atin.
Mula nang nagkasala ang unang mga tao sa Diyos, tayo ay nagkakasala at mamamatay na. Si Hesus ang nagbukas ng Langit para sa makasalanang tulad natin. Dahil sa Kanya, maari na tayong maging banal at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Bilang pagpapahalaga, maging tunay tayong taga-sunod Niya sa salita at sa gawa. Gawin natin ang banal na obligasyong magsimba tuwing Linggo.
Malaking pagkakasala kung hindi natin ito ginagawa. Magkumpisal tayo tuwing may malubhang pagkakasala, at pinakamababa ang isang beses sa isang taon. Tuluyan tayong magbagong buhay ayon sa katuruan ni Hesus sa pamamagitan ng Simbahan. Huli, gumawa tayo ng mabuti, magsalita at mag-isip ng mabuti kahit hindi Pasko.
Ang mga nagugutom ay pakanin, ang mga uhaw ay bigyan ng maiinom at bigyan ng damit ang walang maisuot. Huwag na nating husgahan ang mahihirap. Bagkus, ay tulungan sila. Ang kawanggawa na hindi nababayaran ng kahit ano ang daan natin sa buhay na walang hanggan. Ito ang pinakamagandang regalo natin kay Hesus para hindi masayang ang Kanyang pag-aalay ng buhay.
Pasalamatan natin Siya sapagkat magkakamit tayo ng buhay na walang hanggan na binayaran Niya ng Kanyang katawan at dugo. Maligayang Pasko po sa ating lahat!
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

