Hunyo 27, 2022. Lunes sa Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay San Cirilo ng Alejandria, obispo at pantas ng Simbahan.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Monday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Cyril of Alexandria,
Bishop and Doctor of the Church (White).
UNANG PAGBASA
Amos 2, 6-10. 13-16
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos
Ito ang sabi ng Panginoon: “Nagkasalang paulit-ulit ang mga taga-Israel. Sila’y tiyak na parurusahan ko, sapagkat dahil sa suhol, pinarusahan nila ang mga walang sala at ipinagbiling alipin ang di makabayad, kahit sa halaga ng isang pares na sandalyas. Niyuyurakan nila ang mga walang kaya at ipinagtutulakan ang mahihirap. Nakikipagtalik ang mag-ama sa iisang babaing nagbibili ng aliw anupa’t nalalapastangan ang aking banal na pangalan. Hinihigan nila sa tabi ng alinmang dambana ang balabal na sangla ng isang may utang.
Sa templo ng kanilang Diyos ay nag-iinuman sila ng alak na binili ng salaping inagaw sa mga dukha. Nagawa pa nila ito sa akin matapos kong lipulin ang mga Amoreo, mga taong sintatangkad ng punong sedro at sintitigas ng punong ensina, na pinuksa kong lahat alang-alang sa kanila.
“Inilabas ko kayo mula sa Egipto, pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon at ibinigay sa inyo ang lupain ng mga Amoreo. Kaya, pahihirapan ko kayo, gaya ng kariton na di makalakad sa bigat ng dala.
Hindi makatatakas ang matutuling tumakbo; manghihina pati ang matitipuno at di maililigtas ng mga kawal maging ang kanilang sarili. Walang tatamaan ang mga manunudla, di makaliligtas ang matuling tumakbo at di rin makatatakas ang mga nakakabayo. Ang pinakamatapang na mandirigma ay hubad na tatakas sa araw na iyon.” Ang Panginoon ang nagsabi nito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 16bk-17. 18-19. 20-21. 22-23
Tinig ng D’yos dapat dinggin
kahit ng ayaw pumansin.
MABUTING BALITA
Mateo 8, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang makapal na tao sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga kasama na maghandang tumawid sa ibayo. Nilapitan siya ng isang eskriba at sinabi sa kanya, “Guro, susunod po ako sa inyo saan man kayo pumaroon?” Sumagot si Hesus: “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” Isa naman sa mga alagad ang nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ang aking ama?” Ngunit sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin, at ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Ang Ebanghelyo po natin ngayon ay bahagi ng Ebanghelyo kahapon subalit habang tayo naman ay nag-uulit ng pagninilay sa Ebanghelyo ay lalo itong lumalalim. Madaling sabihin ang “Susunod ako sa Panginoon” subalit mas mahirap itong gawin. Gaya nga ng nangyari at natunghayan natin ngayon sa mga pagbasa. Ito’y sapagkat marami tayong balakid na kakaharapin sa pagsunod sa Kanya. Kung ang ating isipan ay nakapako pa rin sa mga alalahanin sa mga bagay sa buhay, magiging harang ito. Ano nga ang dapat nating isipin at paniwalaan?
Una, kailangan nating paniwalaan na kapag iniwan natin ang mga bagay na ating iniintindi ay ang Diyos na ang bahala sa kanila. Kailangan natin ng tiwala sa Kanya, iyong klase na hindi tipikal sa mundo kung hindi dulot ng Kanyang grasya. Dito sa mundo, bumabase tayo sa mga bagay na nakikita subalit hindi ganoon sa Diyos. Kahit wala pa sa atin, kahit walang pruweba kung hindi ang Kanyang pagmamahal at katapatan, kailangan nating maniwala at umasa na ito’y darating mula sa Kanya.
Para sa isang taong sugatan at bihasa sa paraan ng mundo, napakahirap nito. Sanay tayong mayroong pera na nakikita at nahahawakan. Sanay tayong bilhin ang anumang gusto natin at kung kailan sa pamamagitan ng pera na ito. Ang mga tao namang sugatan ay mga nabigo sa mga pagkakataong sila’y umasa sa tao. Ang Diyos ay hindi kagaya nating bumabali ng pangako at nagpapabaya. Gusto lamang Niyang pagkatiwalaan natin Siya dahil kilala natin Siya bilang Diyos na Mabuti at Mapagmahal higit pa sa kaya ng lahat ng tao.
Ang Diyos, pagdating sa ating mga hinihiling minsan ay kailangan ng paghihintay. Ganito rin sa pagtugon sa Kanya, kailangang iwanan muna natin ang mga bagay gusto na Niyang bitawan natin at maghintay, tayo’y makasusumpong sa Kanya at hindi tayo pababayaan ng Diyos. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

