
Hulyo 6, 2022. Miyerkules ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay Santa Maria Goretti, dalaga at martir.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel
.
Wednesday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Maria Goretti, Virgin ang Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Oseas 10, 1-3. 7-8. 12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ang Israel ay tulad ng punong ubas na mayabong at hitik ng bunga. Habang dumarami ang kanyang bunga, dumarami naman ang itinatayo niyang dambana. Habang umuulad ang kanyang lupain ay lalo nilang pinagpapala ang mga haliging sinasamba nila. Marumi ang kanilang puso; ngayo’y dapat nilang pagdusahan ang kanilang kasamaan. Wawasakin ng Panginoon ang kanilang mga dambana, at sisirain ang mga haliging sinasamba nila.
Di magtatagal at sasabihin nila: “Wala kaming hari sapagkat hindi kami natatakot sa Panginoon. At ano ang magagawa para sa amin ng isang hari?”
Ang hari ng Samaria’y mawawalang parang bula. Wawasakin ang mga dambana sa burol ng Aven na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. Tutubuan ng mga tinik at dawagan ang kanilang mga dambana. Sasabihin nila sa kabundukan, “Takpan ninyo kami,” at sa kaburulan, “Tabunan ninyo kami.”
“Maghasik kayo ng katuwiran, at mag-aani kayo ng pagpapala bunga ng katapatan ninyo sa akin. Bungkalin ninyo uli ang pinabayaang lupa, sapagkat panahon na upang hanapin ang Panginoon. Lalapit siya sa inyo at pauulanan kayo ng biyaya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7
Hanapin ang Poon lagi,
sa harap n’ya manatili.
o kaya: Aleluya.
MABUTING BALITA
Mateo 10, 1-7
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Ito ang pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag na Pedro at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; sina Felipe at Bartolome; si Tomas, at si Mateo na publikano; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong makabayan at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Hesus.
Ang labindalawang ito’y sinugo ni Hesus at kanyang pinagbilinan: “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Diyos.
Pagninilay:
Maligayang Paggunita po kay Santa Maria Goretti! Ang istorya po ng kanyang buhay ay matatagpuan sa link sa ilalim ng post na ito. Isinugo ng Diyos ang mga alagad upang magpahayag ng Mabuting Balita. Sino sa kanila ang karapat-dapat? Walang sinumang ang nararapat na hirangin ng Diyos kung ang basehan ay ang pagiging perpekto sapagkat walang perpekto kung hindi si Hesus. Ang bawat isa ay may sariling kahinaan subalit ano ang kaibahan?
Ang kaibahan ng mga taong naglilingkod sa Diyos hanggang dulo ay hindi iyong hindi sila nagkakasala kung hindi dahil sa kabila ng kahinang pagiging makasalanan, sila ay patuloy na humihingi ng awa ng Diyos. Sila ay patuloy na sinisikap na gawin ang tama bagamat sila rin ay mga mahina. Kung ganito pala, hindi ba’t ibig sabihin ay lahat tayo ay tinatawag na maging alagad ni Hesus?
Madalas kasi ay akala natin para lang ang kabanalan sa mga piling tao, subalit ang tawag ni Hesus ay hindi lamang sa labindalawa kung hindi sa ating lahat. Binilin ni Hesus na ang mga alagad na ito ay gumawa rin ng iba pang mga disipulo sa buong mundo na susunod at magsisilbi sa Diyos. Tayo iyon sapagkat ang Ebanghelyo at ang pananampalataya natin ay galing sa mga apostol na ito.
Mayroon isang pangalan doon na nawala at hindi nagpatuloy. Siya ay si Judas Iskariote na nagkanulo kay Hesus. Walang kulang sa Diyos. Hindi Siya nagkamali o nagkulang ni isang beses o katiting. Ang problema kay Judas ay hindi na siya naniwala pang mapapatawad pa siya ni Hesus. Sa kanyang pag-iisip, ang kanyang kasalanan ay dapat niyang pagdusahan.
Ayaw niyang tanggapin ang awa ng Diyos kaya’y hinatulan na niya ang sarili na dapat mamatay. Kaya naman kinuha niya ang sarili niyang buhay dahil sa kawalang pananampalatayang ito. Sa ganoon ding paraan, kung hindi natin tatanggapin ang awa ng Diyos at magpapakababa sa harap Niya, mawawalan din tayo ng buhay. Hindi man buhay sa lupa kung hindi buhay na walang hanggan.
Wala tayong ibang daan kung hindi si Hesus. Tanggapin nawa natin ang awa at pag-ibig na alay Niya sa atin. Magpunta tayo sa Simbahan, magkumpisal at magsimba. Maari tayong makapaglingkod sa Kanya sa abot ng ating makakaya kahit pa tayo’y mga mahihina. Bawat isa sa atin ay may mahalagang misyon at puwang sa Simbahan. Ano ito? Pakinggan natin ang tawag ng Diyos sa atin. Amen. +
Basahin ang Buhay ni Santa Maria Goretti: https://www.facebook.com/AlmuSalita/photos/a.568704839963879/846332552201105
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

