Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF Faith

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Tularan si Maria”


 

 

 

Agosto 15, 2022. Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit
ng Mahal na Birheng Maria.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Solemnity of the Assumption of the Blessed Virgin Mary (White)

UNANG PAGBASA
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6. 10ab
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan.
Kasunod nito’y lumitaw sa langit ang isang kagila-gilalas na tanda: isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya’y may koronang binubuo ng labindalawang bituin. Malapit na siyang manganak kaya’t napasigaw siya sa matinding sakit at hirap.

Isa pang tanda ang lumitaw sa langit: isang pulang dragon na napakalaki. Ito’y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. Sinaklot ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos ay tumayo siya sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito’y isilang. At ang babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono.

Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Ang babae naman ay tumakas patungo sa ilang, sa isang dakong inihanda ng Diyos para sa kanya.
At narinig ko ang isang malakas na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan!”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 44, 10bk. 11. 12ab. 16
Nasa kanan mo ang reyna,
maningning sa ginto’t ganda.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 20-27
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayun din naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao. Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayun din naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Kristo, ngunit ang bawat isa’y sa kanya-kanyang takdang panahon:

Si Kristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Kristo sa panahon ng pagparito niya. At darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagkat si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang pasusukuin ay ang kamatayan. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: “Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 39-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!

Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”

At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking Espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!

At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan —
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.

Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”

Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan, at saka umuwi.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Dakilang Kapistahan po ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria! Ang ating mahal na ina ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang tawag dito ay “Assumption of Mary” at ang tawag naman sa pag-akyat ng Panginoong Hesus sa langit gamit ang Kanyang sariling kapangyarihan ay ang tinatawag na “Ascension of our Lord”. Ang ating mahal na ina ay iniakayat sa langit hindi lamang kaluluwa kung hindi katawan sapagkat siya ay malaya sa anumang pagkakasala. Siya ay ipinaglihi ng walang sala (Immaculate Conception of the Blessed Virgin Mary) at siya rin ay namatay ng walang sala.

Kahit kailan, hindi nagkasala ang ating mahal na ina. Karapat-dapat lang siyang iakyat sa langit ng kanyang Anak na si Hesus. Siya ang unang naging bahay ng ating Panginoong HesuKristo at mula sa kanya, kinuha ng ating Panginoon ang Kanyang pagkatao.

Sa gayunding paraan, isang paalaala sa atin ang ipinagdiriwang natin ngayon. Tayo rin ay nakatakda para sa kaluwalhatian. Ang dapat nating paghandaan ay ang ating tirahan sa langit. Nahihirapan ba tayo magdasal? Nahihirapan ba tayo magpakabuti? Samahan natin ito ng pagtitiyaga, ng pagtanggap ng mga sakramento at tibay o tatag ng loob. Ito’y malalagpasan nating lahat at magiging matagumpay tayo gaya ng ating inang si Maria.

Hindi siya naging ina para sa kanyang sarili lamang. Siya ay ina ni Hesus at ina nating lahat. Tinatawag tayong hingiin ang kanyang tulong bilang ating ina at ang tularan siya sa kanyang walang pag-aatubiling pagsunod sa Diyos. Inialay niya ang sarili nang buong buo sa Diyos noong siya’y tinanong upang maging ina ng Diyos. Ngayon na natanggap niya ang pangako ng Diyos ay nagagalak siya at nagpupuri sa Diyos. Tayo rin nawa kagaya ni Maria ay maging salamin ng kabutihan at luwalhati ng Diyos.

Sa bawat ating magagandang ginagawa, magpakumbaba tayo gaya ni Maria at ituro natin ang Diyos. Sa Kanya nagmumula ang lahat ng magaganda at mabubuting mayroon tayo. Ito rin ang ating susi sa langit, sa kabanalan at sa kaluwalhatian kasama Niya – ang Siya ang ating iangat sa lahat ng bagay at a-ng tayo ay magpakababa. Sa gayon, sa bawat oras ay ang Diyos lamang ang makita sa ating mga kilos at gawa. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?