
Ika-3 ng Enero. Miyerules Bago ang Pagpapakita ng Panginoon o Kabanal-banalang Ngalan ng ating Panginoon.
MABUTING BALITA
Juan 1, 29-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinabukasan, nakita ni Juan si Hesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Ito ang Kordero ng Diyos. Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan! Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong dumarating na kasunod ko ang isang higit sa akin sapagkat siya’y siya na bago pa ako ipanganak. Hindi ko rin siya lubos na nakikilala noon, bagamat ako’y naparitong nagbibinyag sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”
Ito ang patotoo ni Juan, “Nakita ko ang Espiritung bumababa buhat sa langit, gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya lubos na nakikilala noon, ngunit ang nagsugo sa akin upang magbinyag sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Makikita mo ang Espiritu na bababa at mananatili sa isang tao – siya ang magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ Nakita ko ito, at pinatototohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Ang tungkol po sa Kabanal-banalang Ngalan ng ating Panginoon ay mababasa matapos ng pagninilay na ito. Itinuro ni San Juan Bautista si Hesus. Noong ginawa Niya ito, marami ang lumisan sa kanya at nagpunta para sumunod kay Hesus. Sa buhay ay dapat din tayong maging tulad ni San Juan Bautista. Kung sa atin lamang napapako ang ating buhay at sa atin umiikot, hindi tayo namumuhay bilang isang tunay na Kristiyano. Ang lahat ng ating ginagawa ay dapat papunta kay Hesus. Ang pagiging mabuti natin sa kapwa ay dapat mag-akay sa kanila na lalong mas makita at mahalin si Hesus dahil sa Kanyang kabutihang nasa atin.
Maging ang Pasko ay hindi dapat sa kung ano ang gusto natin at kung ano ang pamantayan natin upang maging masaya. Ang Pasko ay dapat tandaang tungkol kay Hesus. Tungkol ito sa pagdating Niya sa atin upang tayo’y iligtas. Ang balik natin sa Kanya ay dapat pasasalamat at pagpapahayag ng Mabuting Balita sa salita man o sa gawa.
Hindi tayo ang Tagapagligtas. Wala sa atin ang buhay, kapangyarihan, lakas, talino at marami pang abilidad. Dapat itong lahat ay ibalik natin sa Kanya upang parangalan Siya at papurihan. Ang buong buhay natin ay magkakaroon ng saysay kapag tuluyang inialay sa Diyos at naging tulay patungo sa Kanya at hindi lamang sa sarili natin.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Tungkol sa Kabanal-banalang Ngalan ng Panginoon: https://mycatholic.life/saints/saints-of-the-liturgical-year/january-3-the-most-holy-name-of-jesus/
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

