
Agosto 2, 2022. Martes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay San Eusebio ng Vercelli, obispo
o kaya Paggunita kay San Pedro Julian Eymard, pari.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
UNANG PAGBASA
Jeremias 30, 1-2. 12-15. 18-22
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Kinausap ng Panginoon si Jeremias at ito ang sinabi: “Isulat mong lahat ang sinabi ko sa iyo.”
Ito ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Wala nang lunas ang iyong sakit, mabigat ang pinsalang dinanas mo.
Walang kagamutan sa iyong sugat; wala ka nang pag-asang gumaling pa.
Nilimot ka na ng lahat ng kaibigan mo; wala na silang malasakit sa iyo.
Ika’y hinampas ko, gaya ng pagsalakay ng isang kaaway, buong lupit kitang pinarusahan;
sapagkat matindi ang iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan.
Huwag ka nang dumaing dahil sa iyong sakit;
wala nang lunas ang sugat mo.
Ginawa ko ito sa iyo sapagkat napakalaki ng iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan.”
Sinabi pa rin ng Panginoon:
“Muli kong ibabangon ang lipi ni Jacob.
Pagpapalain ko ang bawat angkan niya.
Bawat lungsod na winasak ay muling itatayo,
at ititindig ang bawat gusali.
Ang mga tao roon ay aawit ng pagpupuri at magkakaingay sa tuwa.
Sila’y aking pararamihin; pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila.
Ibabalik ko ang kanilang kapangyarihan,
at sila’y magiging matatag sa harapan ko.
Parurusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila.
Lilitaw ang isang pangulo na mula rin sa kanila.
Aanyayahan ko siya kaya’t siya nama’y lalapit sa akin,
sapagkat walang mangangahas na kusang lumapit sa akin.
Kaya nga, sila’y magiging aking bayan,
at ako ang magiging kanilang Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 101, 16-18. 19-21. 29 at 22-23
Panginoo’y mahahayag
kapag Sion ay natatag.
MABUTING BALITA
Mateo 14, 22-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Matapos mabusog ang mga tao, agad pinasakay ni Hesus sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo samantalang pinauuwi niya ang mga tao. Pagkaalis ng mga ito, umahon siya sa burol upang manalangin. Nag-iisa siyang inabot doon ng gabi. Samantala, nasa laot na noon ang bangka at sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. At nang madaling araw na’y sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig.
Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog.
“Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?” Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay na kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.
Tumawid sila ng lawa, at dumaong sa Genesaret. Nakilala si Hesus ng mga tagaroon. Agad nilang ipinamalita sa buong palibot ng lupaing iyon ang pagdating ni Hesus, kaya’t dinala nila sa kanya ang lahat ng maysakit. Hiniling nila sa kanya na ipahipo man lamang sa mga maysakit kahit ang laylayan ng kanyang kasuutan. At lahat ng makahipo nito ay gumagaling.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya
Mateo 15, 1-2. 10-14
Pagninilay:
Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Natunghayan natin sa ebanghelyo ngayon na nakalakad si Pedro sa tubig. Nakita niya si Hesus na ginawa ito at tinanong niya si Hesus kung maari rin niyang gawin at nangyari nga. Maraming mga bagay ang mga tila imposible sa atin subalit posible sa Diyos. Ang balakid lamang ay hindi natin siya tinatanong. Hindi natin naiisip ang mga kayang gawin ng Diyos sapagkat sanay tayo sa paraang pantao lamang na sadyang limitado. Subalit ang Diyos ay Diyos, hindi Siya gaya nating mga tao. Ang paglalakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig ay isang ebidensiya nito. Siya ay nasa ibabaw din ng lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa. Siya rin ay nasa ibabaw ng ating mga pag-iisip na madaling mapuno ng mga alalahanin.
Ano kaya ang una nating tugon sa tuwing mayroon tayong bagong problema na kinakaharap? Naiisip ba nating magdasal agad? Kagaya ni Pedro na nanghina man sa pananalig ay naisip agad humingi ng tulong kay Hesus. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” wika niya. Tayo kaya, masasabi kaya natin ito agad kapag tayo’y may problema? Sa tuwing may bagong pagsubok, naiisip kaya nating tawagin agad si Hesus? Kung hindi pa ay panahon na upang gawin natin ito sapagkat ito ang gusto Niya at ito naman ang dapat. Hindi tayo nag-iisa sapagkat may Diyos na Ama natin na lubusang umiibig sa atin. Tutulungan Niya tayo higit pa sa ating inaasahan at nalalaman. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

