Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Tunay na Kasiyahan”

 

 

 

Agosto 28, 2022. Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon.

(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo. Basahin po natin ang pagninilay na nasa dulo ng post na ito.)

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Twenty-second Sunday in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Sirak 3, 19-21. 30-31
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Anak ko, maging mapagkumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin,
at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.
Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba;
sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon.
Huwag mong hangaring maunawaan ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan,
huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.

Nililimi ng matinong tao ang mga talinghaga;
nawiwili silang makinig pagkat nais nilang matuto.
Kung ang tubig ay nakamamatay ng apoy,
ang paglilimos ay nakapapawi ng kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 4-5ak. 6-7ab. 10-11
Poon, biyaya mo’y ‘bigay
sa mahirap naming buhay.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 12, 18-19. 22-24
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, hindi kayo lumapit, gawa ng paglapit ng mga Israelita, sa isang bundok na nakikita sa Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, balot ng pusikit na kadiliman, may malakas na hangin, may tunog ng trumpeta, at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na ito’y marinig ng mga tao, isinamo nilang tumigil iyon ng pagsasalita sa kanila.

Ang nilapitan ninyo’y ang Bundok ng Sion at ang lungsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos. Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 14, 1. 7-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.
Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya’t sinabi niya ang talinghagang ito: “Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo.

At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayo’y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’

Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Sinabi naman ni Hesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka.

Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Binanggit ni Jesus ang kahalagahan ng pagpapakumbaba. Nangangahulugan ito na hindi natin kailangang hanapin ang kaluwalhatian para sa ating sarili. Kung gagawin natin ang mga tamang bagay, tutuparin natin ang ating mga obligasyon, at kokompletuhin ang ating mga gawain nang may mabuting hangarin, ang Diyos mismo ang magtataas sa atin sa Kanyang takdang oras. May gantimpala sa langit na naghihintay sa atin at isa lang ang dapat nating piliin. Kung nais natin ang kaluwalhatian sa lupa, ang ating gantimpala ay hindi na matatagpuan sa langit.

Kung ninanais natin ang karangalan sa langit, dapat nating matutunan ang halaga tuwing tayo ay nakakalimutan at hindi nakikilala dito sa lupa. Ito ba’y isang negatibong bagay? Hindi, ngunit nangangahulugan lamang ito na hindi tayo nakapokus sa kung ano ang makukuha natin kapag naglilingkod tayo sa Diyos at sa iba. Ang mahalaga dapat sa atin ay maglingkod at gawin ang tama at makontento dito.

Habang tayo ay naririto sa mundo, mahalagang mapunta sa Diyos ang karangalan sa lahat ng ating ginagawa. Dapat nating malaman na ang lahat ng mabubuting bagay sa atin ay mula sa Diyos. Ang ating talino, ang ating mga talento, kakayahan, at maging ang ating mismong buhay ay nagmumula sa Diyos. Kapag niluluwalhati natin Siya at nalulugod Siya sa lahat ng ating ginagawa, tunay ding nasisiyahan din tayo. Ito’y dahil ang ating layunin sa buhay ay natutupad at tayo ay nagiging tunay na masaya at payapa sa buhay.

Kapag pinupuno natin ang ating buhay ng Diyos, pinupuno Niya rin tayo mula sa loob ngunit kapag napuno natin ang ating buhay ng ating sarili, tayo ay tila naguguluhan at nababalisa. Hindi tayo nilikha para sa pagpupursige lamang sa mga makamundong kagustuhan at karangalan. Nilikha tayo ng Diyos upang magmahal at maging hindi makasarili sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating sarili kasama ang ating oras, pagsisikap, at mga sobrang materyal na bagay sa iba.

Samakatuwid, ang mga naglilingkod nang higit sa iba pa ang itataas sa lahat dahil sila ay naging tapat sa kanilang sarili at sa misyon na nilikha ng Diyos para sa kanila. Ang kanilang kaligayahan ay magpakailanman sa lupa hanggang sa langit na hindi mabibili ng kahit anong halaga. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pagsasalin ni: C.J.T.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?