Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Walang Pangamba”


 

 

 

 

 

Hulyo 9, 2022. Sabado ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

o kaya Paggunita kay San Agustin Zhao Rong, pari at martir, at mga Kasama, mga martir
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

Saturday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Augustine Zhao Rong, Priest, and Companions, Martyrs (Red)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White).

UNANG PAGBASA
Isaias 6, 1-8
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon. Nakaupo siya sa isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa buong Templo. May mga Serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa’y may anim na pakpak. Dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa buong katawan, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. Wala silang tigil nang kasasabi sa isa’t isa ng ganito:

“Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan;
Ang kanyang kaningninga’y laganap sa sanlibutan.”
Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang pundasyon ng templo at ang loob nito’y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako’y isang makasalanang nakakita sa Panginoon, ang Makapangyarihang Hari.”
Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin. Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi, “Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo.” Narinig ko ang tinig ng Panginoon, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Sumagot ako, “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5
Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

MABUTING BALITA
Mateo 10, 24-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Walang alagad na higit kaysa kanyang guro, at walang aliping higit sa kanyang panginoon. Masiyahan ang alagad na matulad sa kanyang guro, at ang alipin na matulad sa kanyang panginoon. Kung ang puno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo na nilang aalimurahin ang kanyang mga kasambahay!

“Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.

“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa kain sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Ano ang iyong inaalala sa ngayon? Minsan ay ang dami nating iniisip at tila ba ang ating sarili ay napupuno ng mga bagay na ikinababahala natin. Subalit sa panahong ganito ang ating nararamdaman, mas dapat tayong lumapit sa Diyos at manalangin. Mas naguguluhan, mas dapat nating sikaping magtanong at manalangin sa Diyos sa pag-asang Siya ang sagot sa lahat ng ating tanong sa buhay.
Kung kailangan natin ng basehan para gawin ito sa tuwing tayo’y nahihirapan, alalahanin natin ang sinabi ni Hesus – “Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.” Hindi Niya lamang ito sinabi sa mga tao noong araw. Sinasabi rin Niya ito hanggang ngayon para sa ating lahat. Bawat isa ay mahalaga sa Diyos na para bang tayo lang ang nag-iisang tao sa mundo.

Mahal tayo ng Diyos sa ganitong paraan. Tayo ang napakahina at napakaliit ng pananalig sa kadahilanang tayong mga tao ay natural na nakatingin lamang sa mundo at nakatuon ang pansin dito, hindi sa Diyos. Subalit ngayon sa ating buhay, ano man ang ating pinagdaraanan, tandaan natin na isa lang ang takbuhan natin na hindi nagbabago kahit anong mangyari sa ating buhay. Hindi Niya tayo minamahal ng mas kaunti kung tayo’y nagkakasala bagkus, mas higit pa dahil alam Niyang doon natin Siya mas kailangan – sa tuwing tayo ay nanghihina, nagkakamali at nagkakasala.

Ang pintuan ng Simbahan ay bukas para sa lahat, magsisi tayo sa ating mga kasalanan, magkumpisal at magsimba. Ito ang ating daan tungo sa buhay na walang hanggan sa langit – ang ating permanenteng tahanan. Nawa ay ito ang paghandaan natin sa tulong ng Diyos. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?