Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Maria, Ating Tulay kay Hesus”


 

 

 

 

Hunyo 25, 2022. Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Memorial of the Immaculate Heart of the Blessed Virgin Mary (White).

UNANG PAGBASA
Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19
Pagbasa mula sa aklat ng mga Panaghoy

Walang awang winasak ng Panginoon ang lahat ng nayon ni Jacob;
sinira niya ang matitibay na kuta ng lupain;
ang kaharian at mga pinuno nito’y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.
Tahimik na nakalupasay sa lupa ang matatanda sa Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nagdamit ng sako.

Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod na ang mukha’y halos sayad sa lupa.
Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak.
Bagbag na bagbag ang aking kalooban.
Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan,
nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.
Nag-iiyakan sila at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.

Unti-unting nangangapos ang kanilang hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.
Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem,
Jerusalem, lungsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika’y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan;
sino ang maaaring magpanauli sa iyo?
Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.

Dumaing ka nang malakas sa Panginoon, Jerusalem.
Araw-gabi, bayaan mong umagos ang iyong luha, gaya ng ilog,
huwag kang titigil nang kaiiyak.
Bumangon ka’t humiyaw nang ulit-ulit sa magdamag,
sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
Kung baga sa tubig, ibuhos mo
sa harapan ng Panginoon ang laman ng iyong puso!
Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak,
nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21
Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

MABUTING BALITA
Lucas 2, 41-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin.

At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ng Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria! Matapos ang “Solemnity of the Sacred Heart of Jesus”, ang susunod naman ay ang “Memorial of the Immaculate Heart of Mary”. Mahalagang pagnilayan din natin ang kalinis-linisang puso ni Maria. Alam nating siya’y walang bahid ng sala simula sa paglilihi ng kanyang ina si Santa Ana. Subalit ano ang ibig sabihin ng kanyang kalinis-linisang puso? Ang puso na ito ay puso ng isang ina. Hindi lang siya ina ng Diyos o ina ni Hesus kung hindi ang ina nating lahat. Si Maria ay laging nagmamahal para sa ating mga anak, mahal man natin siya o hindi bilang ating ina. Malinis at puro ang intensyon lagi ng ating inang si Maria. Walang bahid ng pagkamakasarili.

Lahat ng kanya ay sa Diyos. Lahat ng gawa niya ay para sa Diyos. Lagi siyang naririyan para tayo’y walang tigil na ipanalangin kay Hesus sa langit sapagkat siya ang pinakamalapit kay Hesus higit sa lahat. Kaisa niya si Hesus sa lahat ng bagay at paraan higit pa sa ating kayang unawain. Walang hihigit pang dakila kaysa sa babaeng mismong nagluwal sa ating Tagapagligtas at siya ring walang bahid ng sala.

Kaya naman, ganoon na lamang ang kanyang pag-aalala noong mawala si Hesus sa kanilang biyahe papuntang Jerusalem. Hindi pa naunawaan ni Maria nang buo ang plano ng Diyos. Ang planong ito’y unti-unting naihayag sa kanya hanggang sa dumating ang araw ng pagpapakasakit at pagkapako ni Hesus sa Krus. Naroroon si Maria at hindi iniwan ang kanyang anak. Ilan sa atin ang iniiwan agad ang Diyos kung kailan nahihirapan na tayo sa buhay at ang gusto natin ay hindi nangyayari?

Napakasakit man kay Inang Maria ang nangyaring brutal na pagpaslang sa kanyang Anak na si Hesus, nanatili siyang bukas, matapat at nananalangin lagi sa Diyos para sa pag-aalay ng kanyang Anak para sa kaligtasan ng buong mundo. Tayo kaya, kumusta tayo bilang mga nananampalataya sa Diyos? Nananatili ba tayong nananalangin at matapat sa Diyos sa gitna ng pagsubok?

Kung nahihirapan tayo sa ganitong aspeto at tila naliligaw na tayo sa ating landas tungo sa Diyos, tawagin natin si Maria at humingi ng tulong niya. Siya ang pinakasiguradong daan kay Hesus at si Hesus naman ang daan sa Ama. Laging magkalapit si Maria at si Hesus. Kung nasaan si Hesus, naroon si Maria. Kaya naman, kung tayo’y lalapit kay Maria, dadalhin niya tayo kay Hesus at sisiguraduhing makukuha natin ang pangako Niya na pagliligtas. Sa pamamagitan ng grasya ng Diyos at dalangin ng ating inang si Maria, mas magiging madali sa atin maging matapat kay Hesus kahit na ano pang dagok ang harapin sa buhay. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?