
Enero 1, 2024. Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos.
MABUTING BALITA
Lucas 2, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Nagmamadali ang mga pastol na lumakad patungong Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Kaya’t isinaysay nila ang mga sinabi ng anghel tungkol sa sanggol na ito; at nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita na ayon sa ibinalita sa kanila ng anghel.
Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang bata at pinangalanang Hesus – ang pangalang ibinigay ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos! Mapagpalang Bagong Taon din po sa ating lahat! Hindi magpakakailang si Maria ay ina ni Hesus. Si Hesus naman ay totoong Diyos at totoong Tao. Ang dalawang ito ay hindi mapaghihiwalay. Si Maria ay Ina ni Hesus na Diyos. Sa ebanghelyo, makikita natin kung ano ang dapat nating matutuhan mula sa kanya. Si Maria ay sumunod sa Diyos at nakipatulungan sa Kanyang planong iligtas ang sangkatauhan. Aktibo ang pag-oo ni Maria gayong maari siyang humindi dahil gaya ng sinumang tao, mayroon siyang kalayaang pumili at ang pinili niya ay Diyos.
Isa sa pinakamagandang katangian ni Maria kung bakit siya nakakasunod sa Diyos ay ang pusong mapagnilay. Isa itong pusong tahimik para madaling marinig ang tinig ng Diyos. Ang ingay ng puso naman ay ang mga pagkamakasarili at pagmamataas na puro kagustuhan lang ng isang tao ang nasusunod kaya mahirap nang makinig sa Diyos. Ang puso ni Maria ay tahimik dahil ito’y walang pagkamakasarili. Dahil dito, madali siyang sumunod sa gusto ng Diyos para sa kanya dahil mababa ang kanyang loob. Ibaba rin natin ang sarili sa Diyos kung gusto nating tunay na makasunod sa kalooban Niya. Ngayong bagong taon, mas punuin natin ang sarili ng Salita ng Diyos, kaysa ng sariling salita o salita ng ibang hindi nakabubuti sa atin.
Ang puso ni Maria ay laging nasa estado ng pananalangin. Hindi madaling magbitaw ng salita. Iilan na lamang ba sa atin ngayon ang nakakapagnilay o bulay-bulay nang maingat bago magcomment o magpost sa social media? Tila ba uso at pinapalakpakan lang lagi ang mga mahilig magsalita ngunit ang tahimik daw ay mahina. Hindi ito totoo. Katunayan, sa katahimikan nagmumula ang ating kapangyarihan at kalakasan sapagkat dito natin tunay na makakausap ang Diyos. Dito tayo magkakaroon ng tunay na karunungan mula sa Kanya, hindi lang yung “uso” ngayon na pinapalakpakan ng marami, ngunit walang saysay at matapos noon ay wala nang halaga o maiaambag sa buhay. Nawa’y maging tulad tayo ni Maria na may mapagnilay at tahimik na puso upang mapuno ito ng presensiya ng Diyos.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo po kami. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

