
Marso 25, 2024. Lunes Santo.
MABUTING BALITA
Juan 12, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Anim na araw bago mag-Paskuwa, si Hesus ay dumating sa Betania, sa bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. Ipinaghanda siya roon ng hapunan; naglingkod si Marta, at si Lazaro’y isa sa mga kasalo ni Hesus. Kumuha si Maria ng mamahaling pabango, isang libra ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Hesus. Pagkatapos, pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang pabango. Si Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo kay Hesus, ay nagsabi, “Bakit hindi ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang denaryo ang halaga niyan.” Hindi dahil sa siya’y may malasakit sa mga dukha kaya niya sinabi iyon, kundi dahil sa siya’y magnanakaw.
Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi at kinukupit niya ito. Sumagot si Hesus, “Ano’t siya’y ginugulo ninyo? Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako’y hindi ninyo kasama sa habang panahon.”
Nabalitaan ng maraming Judio na si Hesus ay nasa Betania kaya’t pumaroon sila, hindi lamang dahil sa kanya, kundi para makita si Lazaro na kanyang muling binuhay. Kaya’t binalak ng mga punong saserdote na ipapatay rin si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya’y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at nananalig kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Lunes Santo po sa ating lahat! Ibinuhos ni Maria ang mamahaling pabango kay Hesus. Simbolo ito ng kanyang malalim na pag-ibig sa Panginoon. Hindi siya nagbilang kung magkano ito, basta’t siya’y kumilos dahil sa pag-ibig. Ganito ba tayo sa Diyos? Ang lahat ng mga ibigay natin sa Kanya kahit ito pa ang pinakamahalaga at pinakamainam sa ating buhay ay hindi kailanman papantay sa pag-aalay Niya ng buhay para sa atin.
Nawa’y maging tulad tayo ni Maria na hindi nag-aatubiling kumilos dahil sa pagmamahal sa Diyos. Binuksan niya ang kanyang puso kay Hesus nang buong buo at tinanggap naman ito ng Panginoon. Hindi maiiwasang may mga tao at bagay na balakid sa ating pagdedebosyon sa Diyos ngunit ang mahalaga ay magawa natin kung ano ang totoo sa loob natin. Karapatdapat ang Diyos sa lahat ng pag-ibig na kaya nating ibigay.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

