Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Karunungang Mula sa Diyos”

 

Setyembre 26, 2020. Sabado ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Mangangaral 11, 9 – 12, 8
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral

Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang ibig mo at lahat ng nakaaakit sa paningin mo. Ngunit alamin mong lahat ng ito’y ipagsusulit mo sa Diyos.
Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang lumilipas.
Alalahanin mo ang lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka lambungan ng makapal at madilim na ulap.

Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawala ang lakas ng iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo nga siya bago ka mawalan ng pandinig, na halos di mo marinig ang lugar ng gilingan, ang huni ng mga ibon at ang himig ng awitin. Alalahanin mo siya bago dumating ang panahon na katakutan mong umakyat sa itaas, bago dumating ang panahon na hindi ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal.

Darating ang araw na tayo’y lilipat sa palagian nating tahanan at makikitang naglisaw sa lansangan ang mga nananangis. Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito’y babagsak at masisira. Alalahanin mo siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang lupa at ang espiritu ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. Sinabi ng Mangangaral, “Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat ng bagay.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin!
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.

ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 43b-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang nanggigilalas ang mga tao sa lahat ng ginawa ni Hesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo itong sasabihin ko: ipagkakanulo ang Anak ng Tao.” Ngunit hindi nila ito naunawaan, pagkat inilingid ito sa kanila. Nangangamba naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig sabihin niyon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Hindi naintindihan ng mga alagad ang mga sinabi ni Jesus na Siya ay ipagkakanulo. Wala sa kanilang isipan o imahinasyon, ang mangyayaring pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoon. Sapagkat, nabanggit na nga sa ating Ebanghelyo na panahon iyon kung kailan sikat na sikat si Jesus. Marami Siyang ginagawang mga himala. Napakataas din ng tingin sa Kanya ng mga alagad. Si Jesus para sa kanila ay napakamakapangyarihan, at puno ng karunungan bilang propeta ng Diyos at tagapagturo nila. Pagkatapos ay ganoon pala ang mangyayari?

Ganito rin ang nangyayari sa atin, kung hindi tayo marunong magnilay nang mas malalim sa mga bagay. Kung hindi tayo lalabas sa ating sariling pag-iisip at pagkakaintindi upang maunawaan ang karunungan ng Diyos na hindi galing dito sa mundo. Minsan ay akala natin alam na natin ang lahat ng bagay na ating nararanasan at nakikita. Subalit ang mas malalim na kahulugan nito ay napaparating sa atin sa pamamagitan ng pagninilay. Paano ito? Ito ay ang pagbabalik-tanaw ng mga nangyari, o nabasa natin, o ang Salita ng Diyos at iisipin nating mabuti kung ano ang kahulugan nito sa tulong ng Espiritu Santo, kung ano ang kinalaman nito sa ating buhay na gustong iparating ng Panginoon. Humihingi tayo ng karunungan ng Diyos na magpaintindi sa atin ng mga bagay.

Kung hindi tayo ganito mamuhay, lilipas na lamang ang panahon at mga pangyayari sa atin nang hindi ito nauunawaan. Gaya ng nasabi sa unang pagbasa, maiksi ang buhay. Dapat buong buong mamuhay tayo dito. At paano tayo mamumuhay nang masagana at buo kung hindi natin alam ang malalim na kahulugan ng mga bagay at pangyayari sa ating buhay? Paano iyon kung hindi tayo nagninilay, nagdarasal at hinahayaan na lamang nating lumipas ang panahon nang walang ibig sabihin at karunungang natututunan mula rito? Sa bawat pagdaan ng panahon at bawat araw, ay mayroon tayong bagong matututunan at maaring gawin upang mas maging mapabanal at mapabuti ang sarili sa tulong at awa ng Diyos.

Nawa ay pagnilayan natin ito kung paano natin ito magagawa sa araw-araw na buhay. Maaring sa umaga at sa gabi – maglaan ng kaunting oras upang manahimik, mapag-isa at magbalik-tanaw nang may pagninilay. Ugaliin natin ito at subukang gawin sa araw-araw, nang sa gayon ay makausad tayo sa buhay kasama ng Diyos at sa mamuhay nang may karunungan na mula sa Kanya. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?