Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagpapahayag ng Ebanghelyo”


 

 

 

 

Setyembre 30, 2021. Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan

UNANG PAGBASA
Nehemias 8, 1-4a. 5-6. 7b-12
Pagbasa mula sa aklat ni Nehemias

Noong mga araw na iyon, unang araw ng ikapitong buwan ng taon, nagkatipon ang lahat ng Israelita sa Jerusalem, sa liwasang bayang nasa harapan ng Pintuan patungo sa Tubig. Hiningi nila kay Ezra ang aklat ng Kautusan ni Moises na ipinatutupad ng Panginoon sa bayang Israel. Si Ezra ay isang saserdote at dalubhasa sa kautusan na sinugo ng Panginoon nang panahon ni Moises. Kinuha nga ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. Mula sa umaga hanggang tanghali, binasa niya ang Kautusan sa harapan ng mga taong natitipon sa liwasang bayan. Ang lahat naman ay nakinig na mabuti.

Siya ay nakatayo sa isang entabladong kahoy na sadyang itinayo sa pagkakataong iyon.
Si Ezra ay nakikita ng lahat, sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin ang Panginoon, ang dakilang Diyos!” ang wika niya.
Ang lahat ay nagtaas ng kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Pagkatapos, nagpatirapa sila bilang paggalang sa Panginoon.
Binasa ni Ezra nang maliwanag ang batas na ito ng Diyos at ipinaliwanag na mabuti ang kahulugan.
Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban, anupat sila’y napaiyak. “Ang araw na ito ay dakila sa Panginoon na inyong Diyos,” wika nina Nehemias, at Ezra at mga Levita.

Nakikinig ang mga tao at umiiyak nga kaya’t sinabi nila, “Huwag kayong umiyak.” Wika pa nila, “Umuwi na kayo at magdiwang! Ang walang pagkain at inumin ay bahaginan ng mayroon, sapagkat ang araw na ito’y dakila sa Panginoon. Ang kagalakang dulot niya ay magiging kalakasan ninyo.”
Ang mga tao’y inaliw ng mga Levita, at pinatahimik ang mga ito. Wika sa kanila, “Walang dapat malungkot sa inyo, sapagkat ang araw na ito ay banal.” Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang, kumain sila at uminom at binahaginan naman ang wala. Silang lahat ay nagdiwang sapagkat naunawa nga nila ang ipinaliwanag sa kanila.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.

MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa.

Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaaan ninyong nalalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni San Jeronimo! Ang Panginoon ay nagsugo ng mga alagad. Daladalawa silang umalis at nagpahayag ng Mabuting Balita sa iba’t ibang lugar. Ipinahiwatig ni Jesus na kakaunti ang mga gumagawa nito. Kakaunti ang mga handang magbigay ng buhay para sa Kanya at sa Mabuting Balita. Hanggang ngayon, ito ay totoo. Iilan lamang ba ang ating mga pari? Iilan naman ang Katoliko sa buong mundo? Napakarami pang pook o lugar na kung saan hindi mapagmisahan sapagkat walang pari. Napakarami pa ring pook o lugar kung saan, hindi pa nalalaman ang pananampalatayang Katoliko. Nabubuhay sila sa dilim subalit walang pari partikular na mga misyonerong pari na maghahatid ng Mabuting Balita sa kanila.

Kaya nga, ipanalangin natin ang kaparian at ang bokasyon dito. Ipanalangin din natin na mas marami pa sanang tumugon sa pagtawag ng Diyos sa buhay relihiyoso at mga laykong nagsisilbi sa Panginoon sa anumang paraan. Kailangan na kailangan natin ito lalo ngayon kung saan nangangailangan ng paghilom ang mundo. Tayo ang magiging kamay at paa ni Jesus upang pagalingin ang mga tao. Upang magbigay ng pag-asa at ilaw sa kanila. Nang sa gayon, maramdaman nila ang Diyos at ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan natin. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?