Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Buong Pusong Pagbabalik”

 

 

 

 

 

 

 

Marso 2, 2022. Miyerkules ng Abo.

(Ngayon po ay Miyerkules ng Abo. Mag-simba po tayo at mag-ayuno. Bawal po kumain ng karne ngayong araw na ito ngunit maari pong kumain ng isda, gulay, seafood at itlog.)

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

Ash Wednesday (Violet).

UNANG PAGBASA
Joel 2, 12-18
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel

Sinasabi ngayon ng Panginoon:
“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, managis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.
Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.

Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion;
iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,
tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,
manangis kayo’t manalangin nang ganito:

“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.
Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,
‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:
“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”
Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”
.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po ng Abo sa ating lahat! Ngayon po ay araw ng pag-aayuno at pangingilin o “abstinence”. Ibig sabihin ay hindi pagkain ng karne para sa mga edad 14 pataas. Ang pag-aayuno naman o “fasting” ay ang pagkain lamang ng “one full meal” sa isang araw, at “two small meals” na hindi po magiging katumbas ng isang “one full meal”. Dalawang beses lamang po tayo na may obligasyon na ganito – bukod sa Biyernes Santo, ay ngayong Miyerkules ng Abo.

Nawa, ngayong araw na ito ay gawin natin ang sakripisyo na ito nang masaya at masigasig. Gaya ng sabi sa Ebanghelyo ngayong araw. Hindi kailangang magmukhang malungkot sa pag-aayuno. Kailangang maging masaya tayo sapagkat ganito ang disposisyon ng isang taong nagbibigay. Dapat tayo’y masaya dahil tayo ay nagsasakripisyo ngayon. Tayo ay nagbibigay ng ating sarili at iniaalay natin ang mga sarili natin sa Panginoon para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan at ang kasalanan ng mundo.

Kung akala natin ang mga maliliit na bagay na ito ay walang halaga sa Diyos, tayo ay nagkakamali sapagkat lahat ito ay Kanyang pinag-iisa sa Kanyang alay upang maging sapat para sa mundong nangangailangan ng tulong at nakalimot sa Kanya. Kailangan ng panalangin ng buong mundo lalo na ang Ukraine at Russia. Magiging kaisa tayo sa pagtulong sa kanila at sa iba pang nangangailangan sa mundo dahil sa ating pananalangin at pag-aayuno na ginagawa ngayon.

Ang paghahanda sa buong Kuwaresma ay mahalaga. Dito mas maraming tukso ang maaring dumapo sa atin sapagkat ito ang isa sa mga panahon na pinakaayaw ng diablo. Ang panahon kung saan gusto nating magbalik-loob sa Diyos, magsisi sa ating mga kasalanan at tuluyang sumunod sa Kanya. Sapagkat ang demonyo ay hindi nagpapahinga upang tayo’y tuluyang mapalayo sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Misa na nagpapaalala ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay sa Krus at muling pagkabuhay para sa ating lahat. Maghanda nawa tayo at mag-isip ng mga bagay na maari nating bitawan pansamantala ngayong Kuwaresma para sa Diyos.

Halimbawa, tayo’y nanonood ng isang oras o dalawang oras sa telebisyon. Baka maaring bawasan ito at gawing kalahati na lamang para mas makapagbigay ng pananalangin para sa sarili, sa pamilya, kaibigan, kakilala at sa buong mundo. Kailangan na kailangan natin ng panalangin sa panahon ngayon kung saan nakakalimot na ang mga tao sa Diyos sa dami ng “distractions” na tinatawag sa mundo. Nagiging masyadong abala ang tao para sundin ang sariling pita ng laman. Masyado tayong maraming alam sa mundo ngunit pagdating sa Diyos ay kakaunti. Masyado nating minamahal ang mga bagay na magaganda, pang-mayaman, may silbi man o wala, para lamang masabing naging matagumpay na tayo sa buhay at mapalakpakan din ng iba.

Oo, ganito na tayo ngayon. Subalit hindi na natin napapansin dahil maging tayo rin ay naging ang mga ito na ang batayan ng “kasiyahan sa buhay”. Ngunit ano nga ba talaga ito? Naranasan mo na bang magkaroon ng kasiyahan na galing sa Diyos? Iyong hindi masusukat ng kahit anong pera, materyal na bagay o kahit ano pang galing sa mundo at pinapalakpakan ng tao? Iyong bagay na hindi nasusukat at hindi nakikita? Kung hindi pa, ngayon na ang panahon para hingiin mo ito sa Panginoon para iyong maranasan – ang ligayang walang bayad at hindi mahirap abutin.

Wala itong kapantay o katulad sa mundo. Ito’y nararanasan ng mga taong taos pusong nagbabalik sa Diyos, nagpapakababa sa Kanya at hindi nagmamalaki sa kanyang sarili. Ito ay ibinibigay ng Diyos bilang regalo sa mga taong nagtitiwala sa Kanyang awa sa kabila ng kanilang pagkamakasalanan. Magsisi tayo nang taos puso kahit walang nakakakita at tayo’y magkumpisal ng lahat ng ating mga kasalanan nang tayo’y tuluyang makabalik sa Diyos na ating Ama na laging naghihintay sa atin. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?