Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Dakila sa Kaharian”

Disyembre 9, 2021. Huwebes ng Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
o kaya Paggunita kay San Juan Diego.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Thursday of the Second Week of Advent (Violet)
or Optional Memorial of Saint Juan Diego Cuauhtlatoatzin (White).

UNANG PAGBASA
Isaias 41, 13-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

“Ako ang Panginoong inyong Diyos
at siyang nagpapalakas sa inyo,
Ako ang may sabing:
‘Huwag kayong matatakot at tutulungan ko kayo.’”
Sinabi pa ng Panginoon,
“Israel, mahina ka man at maliit,
huwag kang matakot,
tutulungan kita,
Ako, ang Diyos ng Israel, ang magliligtas sa iyo.
Gagawin kitang tulad ng panggiik,
bago at matalim ang kanyang ngipin,
at ang mga bundok at burol
ay iyong gigiikin
at duduruging tila alikabok.

Itatahip sila, tatangayin ng hangin,
pagdating ng bagyo ay pakakalatin;
magdiriwang dahil sa akin na inyong Diyos,
pupurihin ninyo ako at dadakilain.
Pag ang aking baya’y
inabot ng matinding uhaw,
na halos matuyo
ang kanilang lalamunan,
akong Panginoon ang gagawa ng paraan;
akong Diyos ng Israel ay di magpapabaya.

Sa tigang na burol
ay magkakailog,
sa gitna ng lambak
masaganang tubig ay bubukal;
aking gagawin
na ang disyerto ay maging tubigan;
sa tuyong lupain
ay may mga batis na masusumpungan.
Ang mga disyerto’y
pupunuin ko ng akasya’t sedro,
kahoy na olibo at saka ng mirto;
kahoy na sipre, alerses at olmo.

At kung magkagayon,
makikita nila at mauunawa,
na ang nagbalangkas at lumikha nito
ay ang Panginoon, ang Banal ng Israel.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 1 at 9. 10-11. 12-13ab
Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

MABUTING BALITA
Mateo 11, 11-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, walang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos ay dakila kaysa kanya. Mula nang mangaral si Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng Diyos ay nagdaranas ng karahasan at inaagaw ng mararahas. Sapagkat ang mga propeta at Kautusan ay nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos hanggang sa dumating si Juan. Kung maniniwala kayo, siya ang Elias na darating. Ang may pandinig ay makinig!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Reflection:

Maligayang Kapistahan po ni San Juan Diego! Siya ang pinagpakitaan ng Mahal na Ina ng Guadalupe. Dahil sa kababaang loob niya, siya ang napili ng ating Mahal na Ina. Sapagkat isa siyang katutubo sa Mehiko. Hindi siya mahalaga sa paningin ng lipunan subalit siya pa ang napili at ngayon ay ginugunita bilang isa sa mga banal ng Diyos. Ganoon din naman si San Juan Bautista na kilala sa pagiging mababang loob. Wala siyang ginawa kung hindi ituro ang mga tao papunta kay Jesus na Tagapagligtas, at hindi sa kanyang sarili. Dahil dito, siya rin ay pinaparangalan ng ating Simbahan bilang isa sa mga pinakadakilang propeta at santo. Propeta sapagkat siya ang huling propeta ng Lumang Tipan, bago ang pagdating ni Jesus. Santo sapagkat ito na ang tawag ng Simbahan sa mga tinuturing na banal ng Diyos. Siya rin naman ay ang nagdudugtong o isang tulay ng Lumang Tipan at Bagong Tipan na nagsimula sa pagdating ni Jesus.

Subalit bakit siya nag pinakaaba gaya ng sabi ni Jesus? Noong mga panahong iyon ay hindi pa ganap ang pagtatayo ng Simbahan ni Jesus, ang Simbahang Katolika. Unti-unti pa lamang na nagtatanim ng mga buto upang lumago ang malaking puno na ito na ating Simbahan sa kanyang pangangaral sa iba’t ibang pook kasama ng mga apostol. Ang kausap ni Jesus ay mga kaaway Niya na pilit na gustong ilayo ang mga tao sa Kanya. Subalit hindi nila alam na mas higit ang darating pa – ang Simbahan na itatatag ni Jesus. Ang Kanyang kaharian dito sa lupa at katuparan ng lahat ng Kanyang mga pangako na ipinahayag din ng mga propeta. Habang ipinagtatanggol nila sa kanilang sariling paninindigan at pag-iisip ang kanilang paniniwala, hindi nila matanggap si Jesus at ang kanyang mga sinasabi sapagkat napako sila sa kanilang sarili at makamundong pag-iisip.

Hindi sila makapasok sa kaharian na itinatatag ni Jesus at ayaw din nilang papasukin ang iba. Batid ni Jesus na napakahalaga ng isang propeta sa kanilang paniniwala kaya’t sinabi Niya na higit pa kaysa kay Juan Bautista na itinatangi ng lahat, ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos. Baka naman nakalimutan nilang may isa pang mas higit na darating kay Juan gaya ng kanyang sinasabi rin. May inaabangan pa silang Mesiyas na magliligtas sa kanila at maharil din ay sadyang ayaw lamang talaga nilang tanggapin na si Jesus iyon pati na rin ang katotohanang dumarating na ang kaharian ng Diyos sa kanila.

Sapagkat ang iniisip nila’y ang kaharian na may kapangyarihang makamundo. Subalit ang Diyos ay hindi ganito. Ang paghahari Niya ay sa ating mga puso at hindi ito ginagamitan ng dahas, yabang o pwersa. Hinahayaan Niya tayong mahalin Siya at ang mahalin Siya nang buo at kusang loob. Tayo rin ay tinatawag na maging propeta at ipahayag sa iba ang tunay na kaharian ng Diyos na hindi kaparehas ng sa mundo. Isang kaharian na nabubuo sa pag-ibig, pagbibigayan at pagpapatawad. Isang kahariang kung saan ang mga maliliit, ang mga mabababa ang loob ang siyang nasa itaas. Sapagkat dahil sa kababaang loob na ito, ay pinatuloy nila sa kanilang puso, buhay at pagkatao ang kaisa-isang tunay na Dakila sa lahat, ang Diyos. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?