Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Dakilang Pag-ibig”

 

 

 

 

Abril 10, 2024. Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.

MABUTING BALITA
Juan 3, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Napakaraming may alam ng bersikulong ito. Ito ang buod ng ating pananampalataya at ng ebanghelyo. Lahat ng iyan ay dahil sa pag-ibig. Hindi nanghahatol ang Diyos hanggang sa takdang panahon na tayo’y mamatay at matapos ang mundo. Habang nandirito tayo sa mundo, maari tayong magbago.

Ang plano Niyang pagliligtas ay hindi sa dahas o paghatol kundi sa pag-ibig at pananalig sa Kanya. Kusang loob itong binibigay sa Diyos at hindi pinipilit. Ang pagliligtas ng Diyos ay kusa ring tinatanggap ng tao at may dapat siyang gawin para matanggap ito. Hindi ito awtomatikong bagay na tila isang prutas na babagsak na lamang sa lupa mula sa puno. Kailangan nating maging “cooperators” kay Hesus para ito ay mangyari sa atin. Una na riyan ang pagtanggap ng banal na sakramento ng Misa tuwing Linggo at kumpisal matapos ng binyag at kumpil.

Marahil ang pagkahiya dulot ng kasalanan ang isa sa pumipigil sa ating tanggapin ang awa at pag-ibig ng Diyos sa kabila ng ating pagkamakasalanan. Nahihirapan ang iba na paniwalaan ang awa ng Diyos sapagkat sila mismo’y puno ng kahihiyan dahil sa nagawang mali. Kung dudulog tayo sa Diyos, sa halip na tumakas at magtago na dulot ng kahihiyan na ito, Siya mismo ang magbibigay sa atin ng lakas at kabaang-loob para harapin at tanggapin ang ating kasalanan. Kapag tunay na bumaba ang ating loob, mas madali nating matanggap ang awa at pag-ibig Niya.

Mas magiging madali para sa atin ang dumulog sa Kanyang harapan kahit alam nating puno tayo ng dumi ng pagkakasala. Mas maniniwala tayo dahil ang mababa ang loob ang siyang napupuno ng pananalig sa Diyos at inaamin na kailangan niya ang tulong ng Panginoon. Maging mababa nawa ang ating loob upang tayo’y makapagmahal, makatanggap at makapagbigay din ng pagpapatawad sa iba.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?