Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “May Gantimpala ng Diyos”

Disyembre 3, 2021. Paggunita kay San Francisco Javier, pari.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Memorial of Saint Francis Xavier, Priest (White).

UNANG PAGBASA
Isaias 29, 17-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Hindi magluluwat,
ang kagubatan ay magiging bukurin,
at ang bukurin ay magiging kagubatan.”
Sa panahong iyon
maririnig ng bingi ang pagbasa sa isang aklat;
at makakakita ang mga bulag.

Ang mababang-loob ay muling liligaya
sa piling ng Panginoon,
at pupurihin ng mga dukha
ang Banal ng Israel.
Sapagkat ang malupit at mapang-upasala
ay mawawala na,
gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.

Lilipulin ng Panginoon ang lahat ng naninirang-puri,
mga sinungaling na saksi
at nagkakait ng katarungan sa mga matuwid.
Ito ang sinasabi ng Panginoon,
ang Diyos na tumubos kay Abraham,
tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Mula ngayon, ang bayang ito ay wala nang dapat ikahiya o ikatakot man.

Kung makita ng kanyang mga anak
ang aking mga ginawa,
iingatan nilang banal ang aking pangalan;
Igagalang nila ang itinatanging
Banal ni Jacob,
at dadakilain ang Diyos ng Israel.
Ang mga nalilihis sa katotohanan
ay magtatamo ng kaunawaan,
Ang mga matigas ang ulo ay tatanggap na ng pangaral.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.

MABUTING BALITA
Mateo 9, 27-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, pag-alis ni Hesus sa lugar na iyon, sinundan-sundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila na ang wika, “Anak ni David, mahabag kayo sa amin!” Pagpasok ni Hesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Hesus, “Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?”

“Opo, Panginoon,” sagot nila. At hinipo niya ang kanilang mga mata, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala.” At nakakita na sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Hesus na huwag sasabihin ito kaninuman. Ngunit nang sila’y makaalis, ibinalita nila sa buong lupaing yaon ang ginawa sa kanila ni Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni San Francisco Javier! Ang mga bulag na humihiling ng pagpapagaling kay Jesus ay Kanyang tinanong “Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?”. Ito ang madalas na tinatanong ni Jesus bago Siya gumawa ng isang milagro. Kailangan muna nating maniwala saka tayo makakatanggap. Kailangan muna nating magtiwala saka tayo makakaranas ng pagpapala ng Diyos. Sapagkat totoo naman na ang lahat ay kayang gawin ng Panginoon.

Tayo lamang ang nanghihina ang paniniwala sa Kanya. Ngunit gusto ng Panginoon na makita at makilala muna natin Siya kung sino Siya. Kahit wala tayong ebidensiya o ano pa mang pinanghahawakan na seguridad, ang Diyos ang ating tanging pinaniniwalaan. Ang Kanyang pag-ibig, awa at kapangyarihan ang nagiging puno at dulo ng Kanyang pagpapala sa atin.

Sapagkat tayo’y pawang mga bulag rin. Mga bulag tayo kung hindi natin nakikita si Jesus sa kung sino Siya. Mga bulag tayo kung hindi natin nakikita ang ating sariling kamalian at mas nakikita pa ang kapintasan ng ating kapwa. Mga bulag din tayo kung hindi pa natin nakikita ang napakaraming gawa ng Diyos na kabutihan sa atin, matapos ay maghahanap pa tayo ng patunay bago tayo maniwala sa Kanya.

Kaya naman kahit tayo’y nagiging mga espiritwal na bulag na kailangan ng pagpapagaling. Humiling tayo sa Kanya na buksan din ang ating mga mata upang makita at makilala kung sino Siya. Kailangan nating makita ang kabutihan ng Diyos sa ating buhay na hindi napapatid. Tayo lamang ay kailangan maniwala kahit pa sa gitna ng kadiliman ng ating buhay. Mangyayari ang ating naisin sa Diyos kung Kanya rin itong kalooban. Umasa tayo at hindi tayo mabibigo sa Diyos kahit pa hindi ito ang ating plano. Patuloy lamang tayong tumawag sa Kanya nang may paniniwala.

Sapagkat ang Diyos ay nakikinig. Naghihintay lamang Siyang tayo ay maniwala sa gitna ng ating mga pagsubok. Dahil ito ang tunay na paniniwala sa Kanya na Kanyang gagantimpalaan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?