Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Kapangyarihan ng Diyos”

(Basahin po ang pagninilay sa dulo) Disyembre 4, 2021. Sabado ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Saturday of the First Week of Advent (Violet).

UNANG PAGBASA
Isaias 30, 19-21. 23-26
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos na Banal ng Israel: Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo tatangis nang matagal! Kayo’y diringgin niya sa inyong pagdaing. Kung ipahintulot man ng Panginoon na kayo’y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong guro, ay hindi magtatago sa inyo. Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.
Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo’y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan ay makasusumpong ng malawak na pastulan. Ang mga pang-araro ninyong mga baka at asno ay mananagana sa pinakamainam na pagkain ng hayop. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, dadaloy ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagkawasak ng mga muog. Magliliwanag ang buwan na animo’y araw, at ang araw nama’y magliliwanag ng pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito’y mangyayari sa araw na talian at pagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.

MABUTING BALITA
Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga may sakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang anihin.”

Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Sila’y pinagbilinan ni Hesus: “Hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa lahat! Ang Panginoon ay nagsabi sa atin na manalangin upang dumami ang manggagawa sa anihin. Tayo ba’y nagdarasal para sa bokasyon at sa mga magsisilbi pa para sa Panginoon? Kung hindi pa, ito na ang pinakamagandang pagkakataon upang simulan ito. Walang iba kung hindi ngayon. Sa panahon ngayon kung saan mas talamak na ang mentalidad ng makamundong mga bagay, karangalan at pangalan, nagdusa nang maluba ang bokasyon ng relihiyoso, relihiyosa at pagpapari. Subalit ito ang pinakakailangan natin sa panahon ngayon kung saan unti-unti nang tinatanggal ng diablo ang Diyos sa ating lipunan. Unti-unti nang ginagawan ng paraan ng ating mga kaaway na isipin ng tao na kaya natin nang walang Diyos. Kaya napakarami nating problema sa mundo ay dahil sa pagtalikod na ito sa Diyos na Siyang pinagmumulan ng lahat ng mabubuti at magagandang bagay. Kapayapaan, hustisya at lahat ng kailangan natin ay mula sa Diyos.

Makikita natin na Diyos lang ang kayang magpalayas ng demonyo at ang Simbahan na Kanyang tunay na itinatag, ang Simbahang Katolika. Kaya hindi natin matatalo ang mga kasamaan sa buhay at sa mundo kung wala rin ang Diyos. Mas manalangin tayo habang mas tumitindi ang ating problema. Sapagkat ang panalangin lamang ang magkokonekta sa atin sa Diyos, kasama na ang Banal na Eukaristiya at mga Sakramento gaya ng kumpisal na dapat din nating tanggapin habang tayo’y may pagkakataon at nabubuhay pa. Sapagkat hindi lamang dito natatapos ang lahat. Matapos nito ay mayroon tayong misyon na dapat gampanan mula kay Jesus at sa mga apostol. Hindi pa tapos ang laban sapagkat hanggang ngayon at hanggang katapusan ng mundo ay may pakikipagtunggali sa masasama na nagaganap.

Kailangan nating kumilos at huwag matulog sapagkat kasama tayo sa labanan na ito; sa tao na nagiging instrumento ng masama na dapat ipanalangin sa Diyos; sa diablo na may gawa ng ito at hindi tumitigil sa panunukso; sa mundo na sumasang-ayon din sa gawa ng mga masasama. Sa lahat ng ito ay kasama natin si Cristo. Sa pamamagitan Niya at sa Kanya, doon lamang tayo magwawagi. Sapagkat hindi natin kaya mag-isa, kahit pilitin pa natin. Kailangan natin ng Diyos. Manalangin tayo sa Kanya at sumunod nang malagpasan natin ang kahit ano sa mundo na ito dahil nasa Diyos na ang kapangyarihan sa Langit at sa lupa. Alalahanin nating magdasal para sa mga iba pang kapatid natin upang maglingkod sa Diyos at sana’y maging matapang tayo na maipagtanggol ang Diyos at ang katotohanan dahil ito ang magdudulot sa tao ng walang hanggang buhay. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?