Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pag-aalay sa Diyos”

 

Nobyembre 30, 2021. Kapistahan ni Apostol San Andres.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Feast of Saint Andrew, Apostle (Red).
 
UNANG PAGBASA
Roma 10, 9-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo’y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo’y naliligtas. Sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.” Walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
Ngunit paanong tatawagan ng mga tao ang hindi nila sinasampalatayanan?

Paano silang mananampalataya kung wala pa silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang makakapakinig kung walang nangangaral? At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya isinusugo? Ayon sa nasusulat, “O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng Mabuting Balita!” Ngunit hindi lahat ay naniwala sa Mabuting Balita. Ganito ang sabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa sinabi namin?” Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Kristo.

Ngunit ang tanong ko’y hindi ba sila nakapakinig? Nakapakinig nga sila. Sapagkat, “Abot sa lahat ng dako ang tinig nila, at ang mga salita nila’y laganap sa sanlibutan.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
 
MABUTING BALITA
Mateo 4, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.

Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ang kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni San Andres! Siya ay isa sa labindalawang apostol at kapatid ng kauna-unahang Santo Papa na si San Pedro. Matatandaan na sa ibang Ebanghelyo ay makikita natin na siya ang nagdala kay Pedro papunta kay Jesus upang makilala ang Mesiyas. Dito naman ay natunghayan natin na tinatawag ni Jesus ang dalawang magkakapatid na sina Pedro at Andres, at sumunod naman si Juan at Santiago. Simula umpisa pa lang ay makikita natin sa Ebanghelyo na “Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.”

Ibig sabihin nito’y noon ding mga sandaling iyon ay wala nang iba pang mas mahalaga para sa kanila kung hindi si Jesus. Sumunod sila kay Jesus saan man Siya magpunta. Kahit may kanya-kanya silang buhay at ikinabubuhay ay iniwan nila ang lahat ng ito alang alang sa pagpapahayag ng Mabuting Balita para kay Jesus at sa ating lahat na nakikinabang hanggang ngayon ng pananampalatayang ito na sa mga apostol nagmula. Sino ba naman ang mag-aakalang mula sa pundasyon ng Simbahan na labindalawag alagad na ito, kasama na si San Andres, ay mamumunga ang Simbahan na lumago nang lumago hanggang ngayon na tayo’y higit na sa isang bilyon?

Subalit ang mahalaga ay ang maisip natin ang kahalagahan ng pananampalatayang pinamana sa atin mula sa mga apostol. Kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng pagiging Kristiyano. Ang pagiging Kristiyano ay ibig sabihin pagsunod kay Jesus. Kung pagsunod lamang sa Kanya, ang mga apostol bukod pa sa Kanyang magulang na sina Jose at Maria ang mga naunang naniwala at sumunod sa ating Panginoong Jesus. Alam naman nating napakahalaga ng relasyon ng magkapatid. Subalit higit pa sa dugo na nagbibikis sa dalawang pares ng magkapatid na sina Pedro at Andres at Santiago at Juan ay ang kanilang parehong katapatan at pag-aalay ng buong buong buhay kay Jesus. Gaano ba kadali o kahirap maging alagad ni Jesus? Kung matatandaan natin, sila pa nga maliban kay Juan ang unang umalis at nagsitago noong nahuli na si Jesus sapagkat natakot sila sa kani-kanilang buhay. Subalit noong dumating ang Espiritu ng Diyos ay nanatili silang matatag at tapat hanggang huli. Si San Andres nga ay namatay din bilang isang martir gaya ng sampu pang alagad liban kay Juan.

Tayo rin ay kailangang matutong iwanan ang lahat para sumunod sa Diyos. Una, iwanan ang sariling pag-iisip na makakabalakid sa tunay na pananampalataya sa mga bagay na hindi nakikita at hindi pa sigurado. Ikalawa, iwananan ang mga bagay sa mundong tila inilalagay pa natin na mas mahalaga kaysa sa Diyos, sa pag-ibig, hustisya at katotohanan. Ikatlo, iwanan natin ang anumang mga nakakaharang para mas mahalin at pagsilbihan natin ang Diyos at ang kapwa. Ikaapat, iwanan natin ang kasalanan. Sapagkat ito’y nakakaputol ng relasyon sa Diyos kung malubha. At kahit hindi ay nakakapaglayo sa atin sa Kanya. Kaya naman, mga kapatid, suriin natin ano ang iyong dapat iwanan para makasunod kay Jesus? Tamang tama ang pagsusuri na ito lalo ngayong panahon ng Adbiyento. Ikalima, ang magandang gawin ay iwanan ang ano pang bagay na hindi naman ganoon kahalaga para mas manalangin pa sa Diyos para sa atin at para na rin sa mundo.

Hindi tayong lahat ay maiiwan literal ang ating mga tahanan, maliban na lamang kung tinatawag din tayo sa bokasyon ng relihiyoso, relihiyosa o pagpapari. Iyon ang talagang kinakailangang “pag-iwan” na literal gaya ng ginawa ng mga alagad at iba pa matapos nila. Subalit kung hindi naman, ay mayroon pa rin tayong mga “pag-iiwan” na dapat gawin gaya ng mga nasa taas. Sapagkat sa mga pag-iwan sa mga ito, doon natin matatagpuan ang tunay na kayamanang higit pa sa alinmang bibitawan natin alang alang kay Jesus.

Ang gantimpala Niya’y walang katumbas at walang katulad. Kung maniniwala lamang muna tayo at susunod sa Kanya kahit walang nakikita pa at walang sigurado ay makikita natin ang tunay na milagro. Ang kasiguruhan natin ay si Jesus mismo na nag-alay ng Kanyang dugo at laman para sa ating lahat. Ito ang pinakamatibay na patunay ng Kanyang pag-ibig na hindi nawawaglit ni hindi nanghihina. Bagkus, lalo pa itong tumitibay at lumalalim sa ating mga pagkakamali, pagkakasala at mga kahinaan. Tumalima tayo sa Diyos at sumangguni sa Kanya sa bawat bagay sa ating puso at isipan. Amen. +

San Andres Apostol, ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?