Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Si Kristo ang Dahilan”

Nobyembre 28, 2021. Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

First Sunday of Advent (Violet).

UNANG PAGBASA
Jeremias 33, 14-16
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Sinabi pa ng Panginoon, “Dumarating na ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. At sa panahong iyon, pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain. Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila’y tatawagin sa pangalang ito: ‘Ang Panginoon ang ating katwiran.’”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24. 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14
Sa ‘yo ako’y tumatawag,
Poong D’yos na nagliligtas.

IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 3, 12 – 4, 2
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid:
Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayun, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya.
Isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon – pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin – upang kayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinibigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Hesus.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 21, 25-28. 34-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

“Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang unang Linggo po ng Adbiyento! Panahon na ng paghahanda para sa pagtanggap natin muli kay Cristo. Para saan nga ba ang panahon na ito? Para ba ito sa paghahanda sa Pasko na ang ibig sabihin ay “shopping”, regalo o handaan? Ang mga ito ay mga bagay sa mundo na lilipas din. Hindi naman talaga masama ang mga ito. Nagiging masama kung ito na lamang ang pumupuno ng ating mga puso at isip. Nagiging sobra na, kung ito na lamang ang ating inaabangan at hindi na mismo ang rason ng lahat ng ito – walang iba kung hindi si Cristo. Bakit kaya may mga taong nagsasabi na “hindi ko maramdaman ang Pasko”? O kaya “parang hindi naman Pasko”? Kahit dati po at wala pang pandemic ay maraming nagsasabi ng mga ito. Baka naman dahil nawawala na tayo sa dapat na pagtuunan ng pansin dati pa. Baka ang hinahanap natin lagi ay mga magagarbong kainan o handaan, o ano pang mga bonggang regalo na kapag wala na ang mga ito ay wala nang saysay ang lahat. Ito’y mga panlabas na kasiyahan lamang. Sa mga ganito lamang po ba nakasalalay ang kahulugan ng Pasko?

Kung sa mundo, sa tao o sa mga materyal na bagay natin iaasa ang ating kasiyahan, oo at madali tayong malulungkot. Oo at madali tayong mapanghihinaan ng loob. Dahil wala sa alinman sa kanila ang permanente o nagtatagal. Kahit kumain tayo ng masasarap, mamaya ay magugutom ulit tayo at kailangan na namang kumain uli. Kahit magkaroon tayo ng mga pagtitipon at masasayang pagdiriwang, matatapos din ito at uuwi rin tayo sa kanya-kanyang bahay. Ano o Sino na lang ang matitira sa lahat? Ano o Sino lang ang hindi nawawala? Ang Diyos at ang Kanyang presensiya. Nasubukan na ba natin na ating panahon bago mag-Pasko ay nakatuon lamang sa pagdarasal, pagninilay, pagkukumpisal at pagkakawanggawa?

Ito’y ang mga totoong dapat nating gawin bilang Kristiyano sa panahon na ito. Para sa mga ito ang panahon ng Adbiyento. Kung hindi pa, baka ngayon na ang panahon na gawin ang mga ito. Nang mas madama at maranasan natin kung ano ang tunay na Pasko sa ating puso. Ito’y tunay na maligayang Pasko kung saan hindi nawawala ang saya kahit anong hirap o delubyo ang mangyari. Ito rin ang tunay na Paskong hindi kailangang gumastos para maging masaya dahil ang pag-ibig ni Jesus ay libre. Wala itong bayad. Sa katunayan, Siya pa nga ang nagbayad para sa atin. Siya na tumubos sa atin mula sa ating mga pagkakasala.

Nawa simula ngayong Adbiyento, ang hanapin natin ay si Jesus. Siya ang Tinapay ng Buhay at sinuman ang kumain nito ay hindi na muling magugutom pa. Matatagpuan natin ito at makakakain nito sa Banal na Misa. Kung si Jesus ang ating hahanapin at gagawing rason ng lahat – maging sa mga pagtitipon, pagbibigay ng regalo at kahit wala ang mga ito, magiging maligaya tayo. Ayain natin ang mga mahal natin sa buhay sa simbahan. Dito ang pinakamakabuluhang pagtitipon sa bahay ng Diyos. Si Jesus ang pinagmumulan ng tunay na ligayang hindi basta basta nawawala. Siya rin ang pinagmumulan ng kapayapaang nagtatagal kahit ano pang sakuna ang harapin. Nawa ay magkaroon tayong lahat ng isang banal at makabuluhang Adbiyento, ang panahon ng paghahanda para kay Jesus at kasama Niya. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?