Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Paraan ng Diyos”

Setyembre 27, 2020. Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 25-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4kb-5. 6-7. 8-9
Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.
Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Patawarin ako sa pagkakasala,
sa kamalian ko nang ako’y bata pa;
pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!
Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 1-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid:
Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan – maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili.

Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus:
Na bagamat siya’y Diyos,
hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos,
bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao,
siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan,
Oo, hanggang kamatayan sa krus.

Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod
At sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon,
sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Mateo 21, 28-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po.’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayun din ang kanyang sinabi. ‘Opo’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Minsan ay napakahirap makita ang dumi sa ating sarili. Madalas nating makita ang ibang tao ngunit hindi natin nakikita ang ating sarili. Ganito ang nangyari sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan na kausap ni Jesus. Ang kawalan ng abilidad upang tumingin sa sarili at ng kababaang loob upang aminin ang kanilang pagkukulang ang humaharang sa kanila upang makita at matanggap si Jesus bilang Siya – isang Mesiyas, tagapagturo at Propeta ng Diyos. Nakikinig sila ngunit hindi naniniwala. Tulad sila ng ikalawang anak na lalaki. Sila dapat ang nangungunang magturo ng mabuti at maging halimbawa ngunit hindi nila ito nagagawa. Sino ang mga tagasunod ni Jesus? Hindi ba’t mga publikano nga na gaya ni San Mateo, at iba pang mga makasalanan? Bakit sila ay natanggap si Jesus?

Paano rin ba natin matatanggap si Jesus nang buo? Sa pamamagitan ng pagpapakumbaba. Magiging Hari natin si Jesus nang totoo kung aaminin natin ang ating mga kahinaan, pagkakasala sa Kanya at magbabago. Hahayaan natin Siya masunod sa ating buhay bilang ating Hari. Hindi sa pagpapaka-ipokrito o sa pagkukunwaring malinis tayo, magaling, mabait, nagmamalaki sa sarili ngunit hindi makita ang ating sariling kapintasan at kahinaan. Paniwalaan at tandan nawa natin na hindi nagbabago ang pag-ibig ng Diyos sa atin kung aminin natin sa Kanya kung ano ang totoo sa ating sarili – gaano man ito kapangit o kasama sa ating paningin. Mas lalo pa nga Niya tayong minamahal dahil alam Niyang mas kailangan natin Siya.

Masakit para sa tinatawag na “pride” ng tao ang aminin ang pagkakasala natin. Subalit sa Panginoon, kung gagawin natin ito sa Kanya sa kumpisal at sa pagbabagong buhay, papalitan Niya ang lahat ng ito ng Kanyang kakaibang lakas at kapangyarihan mula sa Kanyang awa. Magiging mga bagong tao tayo na may bagong kinabukasan. Hindi na katulad ng dati.

Gaya sa sinabi sa ikalawang pagbasa, magpakumbaba lamang tayo gaya ng ginawa ni Jesus para sa kapakanan natin. Hindi na bale kung nagkamali at kung tumanggi tayo sa Diyos sa umpisa gaya ng unang anak, basta’t magbagong buhay tayo at piliin natin ang Diyos habang may buhay, at habang may oras. Habang nabubuhay sa mundo ay may panahon para piliin ang Diyos, magbago, magpakababa at tanggapin ang Kanyang awa na hindi nauubos at siyang naghihintay para sa bawat isa sa atin. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?