Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Puso ng Isang Bata”

Enero 17, 2020. Kapistahan ng Panginoong Hesus, Ang Banal na Sanggol.

Feast of the Santo Niño (White)
Holy Childhood Day
Week of Prayer for Christian Unity

UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.

Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin.

Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan.
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
Upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6
Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-6. 15-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid:
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!

Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Hesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang, walang humpay ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin, at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 10, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ng Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni Señor Sto. Niño. Viva! Paano ba maging isang bata? Tuwing ito ay ating naririnig tila negatibo. Madalas nating ginagamit ang pangungusap na “para kang bata” kapag ang isang taong nasa wastong gulang na ay hindi umaasta ng angkop sa kanyang edad. Subalit ngayon ay bakit nasabi ni Jesus na dapat tayong maging tulad nila at kung hindi ay hindi tayo makakapasok sa kaharian ng Diyos?

Unang una, ang pagiging bata ay ang pagiging malapit sa magulang. Sa magulang lamang tayo dedepende at walang iba kung hindi ang Diyos. Sa ating paglaki at pagkakaroon ng muwang, madalas nating kinakaya ang lahat. Ang mahalaga at ang nasusunod ay kung ano ang gusto nating gawin. Ang solusyon sa problema ay ang kung ano ang maisipan natin. Subalit sa pagiging tulad ng isang bata, sasangguni at lalapit muna tayo sa Diyos bilang ating Ama. Magtatanong tayo at maghihintay ng sagot. Mananalangin muna sa lahat ng oras. Hindi tayo aakto nang mag-isa. Ikalawa, aaminin natin ang ating kahinaan.

Ang maging gaya ng isang bata ay hindi nagmamalaki o nagyayabang. Bagkus, totoo sa sarili at mababa ang loob. Madalas tayong nagmamalaki at nag-aangat ng sarili. Kung ganito, mahirap makita ang ating kahinaan. Hindi natin makikita ang ating mga kasalanan. Subalit kung tila tayo isang bata, aaminin natin sa Diyos diretso kung ano ang ating mga kahinaan at mali nang walang iniisip na kahit ano pa. Ikatlo, ang isang bata ay positibo ang pananaw at laging masayahin. Sa ating buhay na puno ng pagsubok, nakikita pa ba natin ang biyaya? Nakikita pa ba natin ang Diyos?

Pagnilayan natin ang mga bagay na ito. Maging gaya nawa tayo ng isang bata pagdating sa mga bagay na ating nabanggit. Sapagkat ito ang magiging daan natin sa pagkamit ng kaligtasan, sa buhay na walang hanggan. Ano ang dapat nating iwanang ugali upang mangyari ito? Tanungin natin ang ating sarili at itaas ang kasagutan sa Panginoon. Amen. +

Pagnilayan natin po natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?