Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Tunay na Pag-ibig”

Pebrero 14, 2021. Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon.

Sixth Sunday in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Levitico 13, 1-2. 44-46
Pagbasa mula sa aklat ng Levitico

Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Kung ang balat ninuman ay magbago ng kulay, mamaga o kaya’y magkaroon ng singaw na parang ketong, dadalhin siya kay Aaron o sa mga anak niyang saserdote. Ituturing siyang marumi at di ito dapat kaligtaang ipahayag ng saserdote.
“Ang mga may ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, hindi magsusuklay, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, ‘Marumi! Marumi!’ Hanggang may sugat, siya’y ituturing na marumi at sa labas ng kampamento mamamahay na mag-isa.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 31, 1-2. 5. 11
Sa ‘yong tulong at pagtubos ako’y binigyan mong lugod.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 10, 31 – 11, 1
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Kung kayo’y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman – ng mga Judio, ng mga Griego, o mga kaanib sa simbahan ng Diyos. Ang sinisikap ko nama’y mabigyang-kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko; hindi ko hinahanap ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.
Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Kristo.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 1, 40-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo at maligayang araw ng puso po sa ating lahat! Bilang linggo naman ngayon, araw ng pamamahinga at araw na dapat italaga sa Panginoon, mahalagang malaman at mapagnilayan natin ang pag-ibig ayon sa Panginoon. Hindi ayon sa mundo. Maraming mga taong tila “bitter” ngayon subalit kung talagang naiintindihan at tinatanggap natin ang pag-ibig ng Diyos para sa atin, hindi tayo magiging bitter. Bagkus, mapupuno tayo ng sobra-sobrang pagmamahal at aapaw ito para ibigay sa iba ang sarili. Gaya ng pag-ibig ni Jesus sa atin.

Mula sa Krus, pinatunayan Niya ang Kanyang pag-ibig sa pagsasakripisyo para tayo ay maiangat mula sa sala. Pinili Niyang maging biktima upang tayo ay matubos mula sa kasalanan. Inako Niya ang parusa na para sa atin. Kaya unang-una, ang pag-ibig ay sakripisyo. Sino ang unang nagsakripisyo para sa iyo? Hindi ba’t ang magulang o kung sino man ang nagpalaki sa iyo, siya ang unang gumawa nito upang ikaw ay mabuhay. Ito ay dakilang pag-ibig at ito ay mula sa Diyos. Ang problema natin ay hindi ang kawalan ng pagmamahal. Ang problema natin ay hindi natin nakikita iyon nang lubusan. Dahil hindi napagninilayan. Hindi dinarama nang lubos mula sa pusong mababa ang loob at nagpapatawad. Sapagkat, ikalawa, ang pag-ibig ay awa.

Ang pag-ibig ay mapagpatawad. Hindi ito nagpapahintulot sa mali ngunit ito ay tinatama. Ngunit hindi rin naninisi o tinatandaan ang pagkakamali. Ito ay pinapatawad nang lubos. Kung sarado ang iyong puso at tila walang maramdaman, baka naman kailangan mong magpatawad. May kailangan kang patawarin at nahaharangan ito ng katigasan ng puso. Tandaan, pinakamarami tayong utang sa Diyos. Subalit paulit-ulit Niya tayong pinapatawad. Gayon din dapat nating gawin sa iba. Magpatawad tayo dahil ganito ang pag-ibig. Tanggapin natin ang awa ng Diyos at ipamahagi ito sa iba. Nang umikot nang umikot at dumaloy ang grasya ng tuluy-tuloy sa bawat isa at hindi natatapos ito.

Ikatlo, ang pag-ibig ay walang sukat o bilang. Ang puno at dulo nito ay ang Diyos. Gaya ng pag-ibig na ipinadama ni Jesus sa ketongin. Nakita natin na napakahigpit ng kautusan sa unang pagbasa. “Outcast” ang mga ketongin. Tila patay na buhay. Pinandidirihan. Hindi kasama at hindi kabilang sa lipunan. Isang taong madumi. Subalit anong ginawa ni Jesus? Kinaawaan, hinipo pa at pinagaling. Kung tutuusin bawal ito, subalit ginawa ni Jesus sa isang ketonging naglakas loob, naniwala kay Jesus at nanghingi ng pagpapagaling mula sa Kanya ng may pagpapakumbaba. Ganito ang pag-ibig. Hindi lang sa piling tao. Hindi lang sa taong gusto mo o gusto ka. Kung hindi pwede sa lahat. Hindi dahil may nakukuha ka ngunit dahil gusto mong magbigay.

Ang pagmamahal na tunay ay nagbibigay hindi naghahangad na laging kumuha. Nawa ay ito ang maging ating kahulugan ng pag-ibig. Ang pag-ibig na hindi ayon sa mundo kung hindi sa langit, mula sa Panginoon dahil itong pag-ibig na ito lamang ang nagtatagal sa lahat. Kahit saang ugnayan, relasyon, pagkakaibigan o ano pa, sinisikap natin hanggang huli na mabuhay sa atin ang dakila at banal na pag-ibig na ito na nakikita sa mabubuting gawa. Amen.

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com 

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?